Calendar
Ipahayag ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng ating liwanag
Ang ating pananampalataya kay Hesus ang Mabuting Balita na kailangan nating ipahayag sa mga tao (Marcos 16:15-18)
“Winika ni Hesus sa kanila. Magsihayo kayo sa buong daigdig at ipangaral ninyo ang Mabuting Balita sa lahat ng nilikha”. (Marcos 16:15-18)
SINASABI sa Sulat ni San Mateo (Mt. 5:14-15) na tayo bilang mga tagasunod ng ating Panginoong HesuKristo ang nagsisilbing ilaw ng Sanlibutan o liwanag para sa mga taong namumuhay sa kasalanan.
Winika pa ni San Mateo na walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay ikukubli lamang pala nito sa ilalim ng banga. (Mt. 5:14)
Ang ibig lamang nitong ipakahulugan na walang saysay ang liwanag na natamo natin kay Kristo kung itatago lamang natin ang liwanag na ito.
Sa halip na ibahagi natin ito para sa mga taong nalalambungan ng dilim o mga taong kailangan ng kaliwanagan dahil binubulag sila ng kanilang mga kasalanan.
Kaya ang payo sa atin ni San Mateo sa kaniyang Aklat na kailangang ilagay ang ilaw sa totoong patungan upang matanglawan ang lahat ng mga tao. (Mt. 5:15)
Ang liwanag na taglay natin ngayon ay walang iba kundi ang pagkamulat ng ating mga mata at isipan sa katotohanan.
Ano ang katotohanang ito? Ang katotohanan na minsan sa ating buhay naging marumi at makasalanan din tayo pero pinagliwanag ni Kristo ang ating mata at isipan upang tayo ay magbagong buhay at magsimulang magbalik loob sa Diyos.
Kaya ang itinuturo sa atin ngayon ng Pagbasa (Marcos 16:15-18) na bilang mga liwanag ng mundo inaatasan tayo ni Hesus na ipangaral natin ang Mabuting Balita sa lahat ng tao. (Mk. 16:15)
Ang Mabuting Balita na winiwika ng Panginoong Hesus ay tumutukoy sa liwanag na natamo natin mula ng magbalik loob tayo sa Diyos at mga biyaya nakamtan natin mula sa kaniya.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na magsilbi nawa tayong magandang halimbawa para sa mga tao na nalalambungan ng dilim ang kanilang buhay dahil sa kasalanan upang matagpuan at makilala din nila si Hesus sa pamamagitan ng ating pamumuhay sa kabanalan at kabutihang loob para sa mga taong nangangailangan ng ating tulong at kalinga.
Marahil ay hindi na natin kailangan pang maging pari o madre para gawin ito. Ang ating buhay pananampalataya ay sapat na para maipahayag natin ang Mabuting Balita para sa mga taong namumuhay sa kasalanan.
Sapagkat ang pananampalatayang taglay natin ngayon dahil kay HesuKristo ay isa nang Magandang Balita na kailangan natin ipahayag sa mga taong hindi pa lubos na nakakakilala sa ating Panginoon.
Ipinagdiriwang natin ang Pagbabagong Buhay ni San Pablo (Conversion of St. Paul) na minsan din sa isang yugto ng kaniyang buhay namuhay din siya sa kasalanan at itinuturing noon bilang isa sa mga mahigpit na taga-usig ng mga mananampalataya ni HesuKristo.
Subalit gaya natin pinaglibaw din ng Panginoong Hesus ang kaniyang buhay hanggang sa tuluyan niyang talikuran ang kasalanan o magbalik loob sa Diyos. At maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita.
Hinihikayat tayo ng Pagbasa na ipahayag natin ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng ating liwanag. Upang tulad ni San Pablo na dating makasalanan, ay magbalik loob din sa Panginoon ang iba pang makasalanan na hindi pa lubos na nakakakilala kay Hesus.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon Hesus. Nawa’y sa pamamagitan namin, marami sana ang aming mahikayat na magbalik loob sayo sa pamamagitan ng aming matatag na pananampalataya. Maipahayag nawa namin ang Mabuting Balita sa pamamagitan ng aming mabubuting gawa.
AMEN