Valeriano

Teacher na nag-viral sa TikTok dapat imbestigahan ng DepEd — Valeriano

Mar Rodriguez Mar 21, 2024
124 Views

IGINIIT ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa Department of Education (DepEd) na masusi nitong imbestigahan ang public school teacher na nag-viral kamakailan sa “social media” sa pamamagitan ng TikTok.

Tiniyak ng DepEd na paiimbestigahan nito ang public school teacher na kitang-kita sa social media habang sinesermunan nito at pinagwiwikaan ng masasakit na salita ang kaniyang mga estudyante. Subalit hindi parin kuntento si Valeriano sa naging hakbang ng DepEd.

Binigyang diin ng kongresista na kailangan pa rin tignan at suriing mabuti ng DepEd ang insidente para alamin kung ilan beses ng ginawa ng nasabing teacher ang panenermon sa kaniyang mga mag-aaral habang naka-live sa TikTok sapagkat maaaring hindi ito isang isolated case lamang.

Ayon kay Valeriano, napakaimportanteng malaman mismo duon sa sangkot na guro kung bakit kinakailangan pa nitong gawing “live” sa social media ang kaniyang panenermon at pagsasabi ng masasakit na salita laban sa kaniyang mga estudyante.
Ipinaliwanag ni Valeriano na masamang “precedent” ang ginawa ng public school teacher dahil bilang pangalawang magulang sa paaralan. Dapat umano itong nagpakita ng mabuting halimbawa para sa kaniyang mga mag-aaral sa halip na pairalin nito ang kaniyang pansariling interes.

“Dapat alamin ng DepEd kung ano ba ang nasa isip nung public school teacher at ginawa niya ang ganoong bagay. Ano ba ang kaniyang iniisip at nakuha niyang i-live sa social media ang kaniyang panenermon na alam naman niyang kitang-kita siya ng napakaraming tao,” sabi ni Valeriano.

Sinabi naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin na dapat alamin ang ugat kung bakit ginawa ng teacher ang insidente upang maunawaan at malinawan ang issue.