Romualdez pinapurihan ni Valeriano dahil sa matagumpay na pagkakapasa ng RBH No. 7

Mar Rodriguez Mar 22, 2024
108 Views

PINAPURIHAN ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez dahil sa matagumpay na pagkakapasa ng Kongreso sa Resolution of Both House (RBH) No. 7.

Ayon kay Valeriano, ang tagumpay na natamo ng mga kapwa nito kongresista matapos pagtibayin at pumasa sa ikatlo at huling pagbasa ang RBH No. 7 o ang economic Charter-Change (Cha-Cha) ay dulot ng tiyag at pagsisikap ng liderato ng Kamara de Representantes.

Sinabi ni Valeriano na hindi nasayang at nabalewala ang kanilang pagpupunyagi na tapusin ang kanilang tungkulin o obligasyon sa mamamayang Pilipino bilang mga mambabatas matapos nilang maihabol sa deadline ang RBH No. 7 bago ang adjournment ng Kongreso para sa Lenten Break.

Malugod din na inihayag ni Valeriano na hindi nasayang ang kanilang pagpupuyat at magdamagang pagbababad sa Plenaryo ng Kongreso para lamang tapusin ang deliberasyon sa RBH No. 7 sapagkat ito aniya ang kanilang obligasyon na kinakailangan nilang gampanan.

“Congratulations to our members and leadership for having pulled through the approval of RBH No. 7. Nagbunga din ang aming pagtitiyaga at pagsisikap sa araw at gabi na pagta-trabaho naming para lamang tapusin ang aming trabaho. Binabati din natin si Speaker Martin Romualdez,” sabi ni Valeriano.

Dahil dito, umaasa din ang Metro Manila solon matapos pagtibayin ng liderato ng Kamara de Representantes ang RBH No. 7 ay gagawin naman ng Senado ang kanilang trabaho sa pamamagitan ng pagpasa nila sa bersiyon ng Mababang Kapulungan para tuluyan ng ma-amiyendahan ang Saligang Batas.

Nauna rito, pinagtibay ng Kongreso RBH No. 7 o ang economic Charter Change (Cha-Cha). Isang pamamaraan para amiyendahan ang economic provision ng 1987 Philippine Constitution matapos itong aprubahan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa.

Sa pamamagitan ng botong 289 mula sa mayorya ng mga kongresista, pito ang tumutol at dalawa naman ang nag-abstention. Pormal ng inaprubahan o pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang RBH No. 7 sa ikatlo at huling pagbasa bago ang adjournment ng session nito.

Si Romualdez ang principal author ng RBH No. 7 na naglalayong magkaroon ng amendments sa nilalaman ng economic provisions ng Saligang Batas. Habang kabilang din si Senior House Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. sa mga authors ng RBH No. 7.

Muling iginiit ni Speaker Romualdez na ang proposed economic amendments sa Konstitusyon ang nalalabing pamamaraan at kahuli-hulihang piyesa para makumpleto ang mga sangkap ng “economic development” na magsusulong sa kabuhayan at ekonomiya ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ng House Speaker na sinisikap ng husto ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na maisulong at mapaunlad ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming trabaho, pagkakaroon ng income opportunities at pagpapa-unlad sa kabuhayan ng mga Pilipino.

“These changes if ratified by our people in a plebiscite, will greatly boost these measures including our President’s investment missions abroad which have generated actual investments and pledges in the billions of dollars and created thousands of jobs,” sabi ni Speaker Romualdez.