Suarez

Paglipat ni Sen Marcos ng P13B pondo para sa 4Ps ikinumpara sa pagnanakaw sa mahirap

Mar Rodriguez Mar 22, 2024
146 Views

IKINUMPARA ni Deputy Speaker at Quezon Province Rep. David “Jayjay” Suarez sa pagnanakaw sa mahihirap ang naging desisyon ni Sen. Imee Marcos na ilipat ang P13 bilyong pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2023.

Sa briefing ng House Committees on Public Accounts at Social Services kaugnay ng privilege speech ni 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, kinumpirma ni Suarez kay DSWD Sec. Rex Gatchalian ang naging realignment ng pondo ng 4P noong 2023.

“Lumabas ‘yung House version natin, maintained intact ‘yung pera ng 4Ps. Now I don’t know what happened in the Senate, why all of a sudden P13 billion was slashed. At dahil sa P13 billion natanggal, mayroon 843,000 Filipino families, which is around 4 million poor Filipinos, ang hindi nakatanggap dahil sa budget cut,” ani ni Suarez sa briefing.

“Ayun ang malungkot. Ngayon hindi ko alam kung paano natin ilalarawan ang isang sitwasyon na ninakawan natin ang isang mahirap. Kasi kalimitan, ang mga mayaman ang ninanakawan. Kaso lang hindi dapat ninanakawan ang mahihirap. Kasi wala na nga silang pera.”

“Tatanggalan pa natin sila ng dapat nila matanggap. Sa palagay ko, hindi kaya ng sikmura ko yan,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Gatchalian na ang 4Ps ay hindi lamang isang programa ng ahensya kundi nakabatay ito sa isang batas—ang 4Ps law.

Iginiit ni Suarez ang kahalagahan ng programa sa mga mahihirap na pamilya upang maiahon ang mga ito mula sa kahirapan.

“Dapat ‘yung matatanggap nila buwan-buwan, natatanggap nila. Yung assistance na dapat matanggap nila, natatanggap nila. Kasi oras na may pagkakataon na mayroong puwang o may gap doon sa buwan na hindi nila natanggap, pwedeng lumala yung level ng kahirapan nila,” tanong ni Suarez na sinagot naman ni Gatchalian ng “yes.”

“Kumbaga, unti-unting po natin silang inaakyat. Tapos mabutasan ka na ng ilang buwan, babalik na naman sa stage 1 yun,” muling tanong ni Suarez.

“That’s correct,” sagot naman ni Gatchalian. ‘Malulubog sa utang or so and so forth.”

Sinabi ni Suarez na hindi nito masikmura kung bakit nagawang ilipat ni Sen. Marcos ang pondo para sa 4Ps kaya natigil ang ayuda para sa milyong-milyong pamilya.

“Kaya nga hindi ko po masikmura yun ang nangyari na bakit natin ninakawan ng pondo ‘yung mga mahihirap,” giit ni Suarez.

Matatandaan na nag-privilege speech si Abalos sa plenaryo ng Kamara upang kuwestyunin ang ginawang paglipat ng pondo para sa 4Ps sa ibang programa ng DSWD.

“Kung titingnan po natin ang nakasulat dito sa isang press statement sa Senado, nakalagay po diyan, ni-recommend ang pagtapyas ng P8 billion dahil nga daw mababa ‘yung utilization rate and ini-align ito sa mga ibang programa ,which are CALAHISIDS, AICS, saka sa mga quick response natin sa mga calamity,” ani Abalos.

“So, tingin ko po, kung hindi sana natapyasan ng walong bilyon ang budget ng taong ‘yun, ‘yung deficit ng DSWD, sana isang bilyon na lang. Ngayon, dahil natapyasan, umabot po ng P9 billion,” dagdag pa nito.