Ayuda Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pamamahagi ng iba’t ibang assistance mula sa mga ahensya ng gobyerno sa pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Caraga State University Gymnasium, Biyernes ng umaga. Inaasahang mabibigyan ng sebisyo ang 80,000 benebisyaryo mula sa probinsiya sa dalawang araw na service caravan. Kasama ni Speaker sina Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, 1st District Rep. Jose “Joboy” Aquino ll, Governor Angelica Amante-Matba, Butuan City Mayor Ronnie Vicente Lagnada at mga 60 iba pang miyembro ng House of Representatives, sa pangunguna nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe. Naroroon din sina Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at iba pang opisyal ng gobyerno. Kuha ni VER NOVENO

P.3B ayuda, programa hatid ng pinakamalaking BPSF caravan sa Agusan del Norte 63 kongresista nagpakita ng suporta

Mar Rodriguez Mar 24, 2024
145 Views

NAGKAKAHALAGA ng P300 milyon ang ayuda at serbisyong dala ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ginanap sa Agusan del Norte noong Marso 22 at 23.

Dumating naman sa lugar ang 63 kongresista upang magpakita ng suporta sa programa. Dumating din sa event si Sen. Ramon Bong Revilla Jr.

Sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ito ang kauna-unahang Serbisyo caravan sa Caraga region at ika-14 na yugto ng BPSF mula ng simulan ito noong nakaraang taon.

“Gaya ng sinabi namin sa naunang bayan na binisita ng Serbisyo Fair, hindi hadlang ang distansya upang maabot ng pamahalaan ang mamamayang kanilang pinaglilingkuran, at ang lahat ay kasama sa pag-unlad ng ating bansa,” ani Speaker Romualdez na siyang kumatawan kay Pangulong Marcos sa event.

“Malayo man po ang Butuan City o ang Agusan del Norte sa Maynila, malapit naman po sa isip at puso ng ating mga pinuno ang inyong kalagayan at kapakanan,” saad pa ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

May 53 tanggapan ng pamahalaan ang lumahok sa aktibidad, kung saan 293 ang serbisyong ibibigay sa may 80,000 benepisyaryo sa dalawang araw event.

Nagkakahalaga ng P122 milyon ang halaga ng cash assistance na ipinamahagi sa event.

Umaabot naman sa 63 kinatawan ng mga distrito at partylist ang sumama kay Speaker Romualdez sa event na inorganisa ni Agusan Del Norte Rep. Jose “Joboy” Aquino II. Dumalo rin sa pagtitipon si Sen. Ramon “Bong” Revilla.

Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales ito ang pinakamaraming pagsasama-sama ng mga kongresista para sa paglulungsad ng BPSF ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos, Jr.

“This is the biggest display of unity and solidarity in BPSF next to the Sultan Kudarat service caravan, where almost 50 members of the House of Representatives, mostly from Mindanao attended.

At tayo po ay nasa Mindanao uli. Damang-dama natin ang pagkakaisa ng mga mambabatas sa programa ni PBBM dito sa BPSF,” ani Gonzales.

Ayon kay House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ang malaking bilang ng mga kongresista sa BPSF event ay pagpapakita ng suporta ng Kamara sa programa ni Pangulong Marcos at Speaker Romualdez, isa sa pangunahing proponent ng Serbisyo caravan.

“Lahat po ng umattend sa BPSF Agusan del Norte ay naniniwala sa adhikain ni PBBM tungkol sa paglalapit ng serbisyo sa ating mamamayan. Congress is already on break, and these lawmakers can be anywhere they want to, but they chose to be there sa Agusan del Norte para makiisa,” sabi ni Dalipe.

Bukod sa BPSF, inilungsad din sa Agusan del Norte ang Cash and Rice Distribution (CARD) Program kung saan 3,000 residente ang nabigyan ng cash assistance. Ginanap ito sa Provincial Capitol Gym sa Butuan City noong Marso 22.

Ang CARD program ay brainchild ni Speaker Romualdez bilang tugon sa hamon ni Pangulong Marcos upang matulungan ang mga mahihirap na apektado ng pagtaas ng presyo ng bigas.

Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng P2,000 cash at P1,000 halaga ng bigas o 25 kilo.

Mayroon ding nagbenta ng bigas sa halagang P40 sa event para sa mga nais na bumili.

Kasabay ng paglulungsad ng BPSF ay namigay din ng tulong sa ilalim ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM), Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth; at Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL).

Umabot sa 2,000 benepisyaryo ng FARM ang nabigyan ng tig-P2,000 financial assistance at tig-limang kilo ng bigas. Ginanap ito sa Villa Paraiso Covered Court sa Barangay Ampayon, Butuan City.

Isinagawa naman ang payout ng ISIP for the Youth sa Philippine Science High School Gymnasium sa Barangay Tiniwasan, Butuan City. Ang 3,000 benepisyaryo ay bibigyan ng tig-P2,000 cash aid kada anim na buwan. Binigyan din ng tig-limang kilo ng bigas ang mga ito.

Ang mga benepisyaryo ay isinali rin sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED para makakuha ng scholarship assistance na nagkakahalaga ng P15,000 kada taon. Ang mga magulang ng mga estudyante na walang trabaho ay maaari ring sumali sa DOLE-TUPAD Program.

Sa ilalim naman ng SIBOL program, namigay ng tig-P5,000 financial assistance sa may 2,000 maliliit na estudyante sa Barangay Imedejas Covered Court sa Butuan City.

Layunin ng programa na tulungan ang mga maliliit na negosyante. Binigyan din ang mga ito ng tig-limang kilong bigas.