Marcoleta

Marcoleta hiniling pormal na imbestigasyon sa pagbawas ni Sen Marcos ng pondo ng 4Ps

125 Views

Nais ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta na magsagawa ng pormal na imbestigasyon ang Kamara de Representantes kaugnay ng ginawang pagbawas ni Sen. Imee Marcos ng pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2023.

Ginawa ni Marcoleta ang apela sa nakaraang briefing ng House Committees on Public Accounts at on Social Services kaugnay ng pagtapyas ng P13 bilyong pondo ng 4Ps noong 2023 at ang kasalukuyang kulang na P9 bilyon para sa implementasyon nito ngayong taon kaya walang natatanggap na ayuda ang may 843,000 pamilya o tinatayang 4 milyong mahihirap na Pilipino.

“In fairness to Senator Imee Marcos we cannot make any judgment based on press reports. Siguro ang pwede nating gawin let’s make an official inquiry paano nangyari yan,” ani Marcoleta.

“This is a very serious issue Mr. Chair. Sana we should have a formal inquiry…Let us do everything possible. Not only probably to identify who is or are responsible, but maybe better, yung may balik sana natin ito. I hope it is not too late Mr. Secretary,” saad pa ng solon.

Ang DSWD ang siyang nagpapatupad ng 4Ps, isang batas na naglalayong tulungang maka-ahon ang mga mahihirap na pamilya.

Inilipat umano ni Sen. Marcos ang pondo ng 4Ps sa ibang programa ng DSWD.

“The last time we checked, I think the House of Representatives has nothing to do with this. And after the bicam, some miracles were performed,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi ni Marcoleta na sa pagsasagawa ng imbestigasyon ay malalaman kung ano ang talagang nangyari.

“Bakit naman nagkaganoon? There should be a reason. Malaking problema ito. Di naman basta naisip niya lang, napanaginip niya lang, napanaginipan niya biglang tatanggal nito simply because there was underutilization here and there,” wika pa ni Marcoleta.

“Sana kung sino man responsible sa gumawa nito, inisip niyang mabuti ito.

“SAGIP is Social Amelioration and Genuine Intervention on Poverty because the sector of this representation is the urban poor. Malaki ang stake ko naman dito sa sector ito na aking ginagalawan dito,” sabi pa nito.

Ayon kay Gatchalian sumulat ang DSWD sa Senado at Kamara na huwag galawin ang pondo ng 4Ps subalit wala umano silang natanggap na sagot.

Sinabi ni Gatchalian na maaaring inilipat ang pondo dahil sa mababang utilization rate ng DSWD mula 2020 hanggang 2022 o bago ang pumasok ang administrasyong Marcos.