Calendar
PH mas magiging foreign investment-friendly sa panukalang Charter change—DML Garin
MAS magiging investment-friendly ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan kapag naamyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Ito ang iginiit ni Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa pulong balitaan sa Kamara de Representantes nitong Lunes kaugnay ng magandang pagtingin sa ekonomiya ng bansa.
Nitong Marso 29, sinabi ng US Trade Representative na isa ang foreign ownership sa mga humahadlang sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas. Batay naman sa Global Opportunity Index (GOI) report ng Milken Institute ang Pilipinas ay nasa ika-91 pwesto sa 130 bansa pagdating sa pagiging kaakit-akit sa mga mamumuhunan dahil sa financial access.
“Definitely!” tugon ni Garin nang matanong kung ang amyenda sa ekonomiya na nakapaloob sa Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7) na inaprubahan ng Kamara kamakailan ay makatutulong para mas maging “investment-friendly” ng Pilipinas
“Kasi iyan nga, kitang-kita na may problema ang Constitution ng Pilipinas. Ang nagiging hadlang para magtake-off tayo ay ang ating sariling Constitution. Natural iyan, kasi walang perpekto. So inaamin ngayon iyan pero hindi naiintindihan ng tao sa ibaba,” sabi pa ni Garin.
Aniya isa sa mga alinlangan ng mga dayuhang mamumuhunan ay hindi sila maaaring makapag may-ari ng lupa sa Pilipinas dahil sa ipinagbabawal ito sa Konstitusyon.
“So, kung ikaw ay investor na inutang mo ang bilyong-bilyong capital, kunyari sabihin na natin, kuryente, tubig or internet connectivity. Eh kung ang paglalagyan mo ng iyong power plant, may that be renewable energy or not, kung iyung lupa hindi sa iyo, ano ang mangyayari duon sa investment mo?” tanong ni Garin.
“So talagang tama ang sinasabi ninyo and we have to do that now because napag-iiwanan na tayo. Naiwan na nga tayo, humahabol na nga lang tayo, pipilayin mo pa. So pag pinilay natin iyong mga paa ng Pilipinas na nagtatangkang humabol ay talagang wala tayong patutunguhan,” dagdag pa niya.
Pinuna rin nito ang resulta ng inilabas na survey ng Pulse Asia kung saan mayorya umano ng mga Pilipino ang hindi pabor sa pag-amyenda ng Konstitusyon dahil sa mali aniya ang mga ginamit na tanong dito.
“We go back to the Pulse Asia Survey, so that question should have been crafted in such a way na – alam nyo bang ayaw ng mga negosyanteng pumasok dahil may hadlang sa Constitution?” punto pa ni Garin
“Pag sinabi nilang hindi nila alam, then we have to educate the people,” wika ni Garin.