Trillanes Source: Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV FB

Trillanes: Duterte niloko ang taumbayan sa pinasok na sikretong kasunduan sa China

135 Views

TINULIGSA ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa sektretong kasunduan nito sa China na hindi magdadala ng mga contruction material sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Trillanes ang ginawa ni Duterte ay isang panloloko sa mga Pilipino.

“Malinaw na siguro ‘yan. Inamin na ni Roque na si Duterte ang may deal with China re: WPS. China na rin ang nauna na nagsabi na may agreement sila with Duterte na hindi aayusin ang BRP Sierra Madre,” ani Trillanes na ang tinutukoy ay ang pag-amin ni Harry Roque, ang dating presidential spokesman ni Duterte.

“Dami niyo talaga nabudol,” dagdag pa ng dating senador.

Sa isang panayam, sinabi ni Roque na nagkaroon ng gentleman’s agreement si Duterte at ang China na hindi magdadala ng mga kagamitang pang-ayos sa BRP Sierra Madre. Sinabi ni Roque na hindi ito sekreto dahil isinapubliko ito ni dating
Foreign Affairs Secretary at ngayon ay Sen. Alan Peter Cayetano.

“This is not a secret deal. This was made public by Secretary [Alan Peter] Cayetano na walang gagalaw, walang improvement [sa BRP Sierra Madre], walang problema sa Ayungin,” ani Roque.

“Because of this ‘gentlemen’s’ agreement between the Philippines and China during the time of President Rodrigo Roa Duterte, tubig at pagkain lang ang dadalhin [sa Ayungin],” dagdag pa nito.

Ayon kay Roque maaaring ginagamitan ng water canon ng Chinese Coast Guard ang mga sasakyang pangdagat ng Pilipinas na papunta sa BRP Sierra Madre dahil nagdadala ang mga ito ng repair equipment na taliwas sa kasunduang pinasok ni Duterte at China.

“Ang reklamo ng China, taliwas sa naging kasunduan noong nakaraan, nagdadala sila ng repair equipment para ayusin ang BRP Sierra Madre kaya ganyan ang naging reaction ng China,” dagdag pa ni Roque.