Valeriano

Cong. Valeriano inis at dismayado sa pamunuan ng JILCFI

Mar Rodriguez Apr 3, 2024
144 Views

Dahil sa pangbu-bugbog sa Taekwondo varsity player 

MAGKAHALONG inis at pagkadismaya ang naramdaman ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa pamunuan ng Jesus is Lord Colleges Foundation Incorporated kasunod ng pangbu-bugbog sa isang estudyante at Taekwondo varsity player na itinago sa pangalang Cindy.

Dahil dito, binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi dapat palampasin ng Commission on Higher Education (CHED) at pamunuan ng paaralan ang naganap na insidente sapagkat kinakailangang papanagutin ang mga sangkot sa kaso.

Sinabi ni Valeriano na ang pangyayari sa Jesus is Lord Colleges ay maituturing na isang malalang sitwasyon dahil nagawa ng isang coach na isabak sa sparring ang kaniyang estudyante gayong babae ito at yellow belter pa lamang kontra sa isang lalakeng black-belter.

“Malala ang pangyayaring ito. Mga batang abusado sa loob pa naman ng tanyag na institusyon, Mabuti at mukha lamang. Gayunman, masakit parin ito sa pamilya ng biktima, kahit saan mo naman tignan. Ano naman ang laban ng isang babae na yellow belter pa lamang kontra sa isang lalake na black-belter,” ani Valeriano.

Ani Valeriano, dapat sampahan ng administrative at criminal case ang nasabing coach kabilang na ang naka-sparring ni Cindy bilang babala sa iba pang personalidad na ibinubulid sa kapahamakan o peligro ang kanilang mga estudyante o atleta.

“Dapat managot pati ang naka-sparring ni Cindy. Sapagkat malinaw na ito’y paglabag sa sparring rules. Ang coach at iba pang sangkot ay dapat kasuhan ng administrative at criminal case,” sabi pa ni Valeriano.