Rodriguez

Rodriguez: Panukala ni Gadon ideretso sa basurahan

100 Views

NANAWAGAN si Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na huwag pansinin ang panukala ng presidential adviser at ex-senatorial candidate Larry Gadon na amyendahan ang political provisions ng Konstitusyon.

“I urge Speaker Romualdez to completely disregard Gadon’s letter (proposing political amendments),” ani Rodriguez, chairman ng House of Representatives committee on constitutional amendments.

Kumpiyansa si Rodriguez na ibabasura ng pamunuan ng Kamara ang sulat ni Gadon dahil nauna ng nagpahayag ang mga ito na ang kanilang isusulong ay pag-amyenda lamang sa economic provisions na siya ring posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Rodriguez, bilang presidential adviser si Gadon ay dapat sumunod sa pahayag ng Pangulo.

Sa isang talumpati noong Pebrero 8 sa Philippine Constitution Association siabi ng Pangulo na “I want to make it clear: This administration’s position in introducing reforms to our Constitution extends to economic matters alone, or those strategically aimed at boosting our country’s economy. Nothing more.”

Si Rodriguez ay isa sa mga co-author ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, ang bersyon ng Kamara ng economic Charter change proposal kung saan ang aamyendahan ay limitado lamang sa mga probisyon ng public utility, edukasyon, at advertising. Ang Senado ay mayroong katulad na bersyon ang RBH No. 6.

“As a co-author of RBH 7, I will never support political amendments,” sabi pa ni Rodriguez.

Naniniwala si Rodriguez na nakakagulo lamang ang mga suhestyon katulad ng ginawa ni Gadon at ang mga tanong sa survey gaya ng ginawa ng Pulse Asia na katulad nito kaya nalilito ang publiko.

Ayon kay Rodriguez, ang resulta ng Pulse Asia survey ay kabaliktaran ng lumabas sa survey ng Tangere.

Sumulat si Gadon sa Kamara at Senado upang hilingin na isama ang political amendment sa isinusulong na Charter change.