Calendar
Baste binatikos sa pangongopya sa drug war ni PRRD, trabahong tamad—Trillanes
BINATIKOS ni dating Sen. Antonio Trillanes IV si Davao City Mayor Sebastian Duterte sa pahayag nitong kokopyahin ang madugong war on drugs ng kanyang ama na maituturing din umanong trabahong tamad.
Sa isang panayam, sinabi ni Trillanes na ang pangongopya ni Mayor Duterte sa programa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi sapat upang solusyunan ang problema ng iligal na droga sa siyudad.
“Ito ngayon si Baste ginagaya na lang niya ‘yung tatay nya na pasiga-siga kunwari,” ani Trillanes.
Nauna ng inanunsyo ni Mayor Duterte ang paggamit ng siyudad ng war on drugs campaign ng kanyang ama kung saan umabot sa 12,000 hanggang 30,000 ang pinaniniwalaang nasawi batay sa iba’t ibang pag-aaral.
Ang paraang ito, na nakilala sa malawakang karahasan at mga paglabag sa batas, ay ginamit din ng nakatatandang Duterte noong ito ang alkalde ng Davao City bago ito naging Pangulo.
Binigyan diin ni Trillanes na sa kabila ng mahabang panahon na hawak ng pamilya Duterte ang pamumuno sa Davao, ay nanatili pa rin ang paggamit at bentahan ng iligal na droga na maituturing umanong isang kabiguan.
“Forty years nilang hawak ‘yung Davao, 40 years na silang nagwa-war on drugs tapos meron pa rin?” giit pa Trillanes.
Dagdag pa ng dating senador, “Mapapa-isip kayo. Ibig sabihin hindi ‘yan ang solusyon.”
Sinabi pa ni Trillanes na isa sa nakikita niyang solusyon ay pagputol ng suplay ng droga upang wala nang mapagkukunan ay maibenta.
“Unang-una tanggalin mo ‘yung supply. Kung walang supply, kung walang drogang ibinebenta, meron pa bang makakagamit? Di ba wala,” ani Trillanes.
Iminungkahi pa ng dating senador ang paglulungsad ng information campaigns at pagsasagawa ng mga alternatibong aktibidad upang maiwasan ang pagkagumon sa droga, kasabay na rin ng pagsasa-ilalim sa rehabilitasyon sa mga nalulong sa bisyo.
Naniniwala si Trillanes, mahalaga ang pagkakaroon ng “holistic approach” sa pagtugon sa krisis sa droga ng bansa.