PCAP

Toledo, Camarines hindi maawat

Ed Andaya Apr 12, 2024
230 Views

PINASIGLA ng Toledo Trojans at Camarines Eagles ang kanilang kampanya sa 2024 PCAP All-Filipino Conference chess team championships matapos magtala ng back-to-back victories laban sa kanilang mga katunggali.

Sa pangunguna nina Samson Lim at Cherry Ann Mejia, pinadapa ng Toledo ang Tacloban Vikings, 14.5-6.5, at Negros Kingsmen, 18.5-2.5, para sa kanilang conference-best seventh win sa walong laro.

Pinaluhod ni Lim sina Melvin Merelos ng Tacloban, 3-0, at Ted Ian Montoyo ng Negros, 3-0, habang binigo ni Mejia sina Catherine Pojas ng Tacloban, 3-0, at Cecile Reginaldo ng Negros, 3-0, upang pangunahan ang Trojans ni Atty. Jeah Gacang sa panalo.

Naging bahagi din si Allan Pason sa panalo ng Toledo sa kanyang 3-0 victory laban kay Norman Jasper Montejo ng Tacloban.

Nagpakitang gilas din ang Camarines, na nanalo laban sa Mindoro Tamaraws, 20.5-.5, at Iloilo Kisela Knights, 12.5-8.5, upang humati sa liderato kasama ang Toledo sa kanilang 7-1 win-loss records.

Dinurog ni GM Darwin Laylo si Richard Sicangco ng Mindoro, 3-0, at Rolando Andador ng Iloilo, 2-1, at winalis ni Bernadette Galas sina Grace Robledo at Fiona Guirhem ng Iloilo, 2-1, para sa Eagles.

Nagwagi naman si Ellan Asuela ng Camarines laban kay Emmanuel Asi ng Mindoro, 3-0, subalit natalo kay Fritz Bryan Porras ng Iloilo, 1-2; at nanaig si IM Barlo Nadera kontra kay Cesar Cunanan ng Mindoro, 3-0, bago natalo kay NM Cesar Mariano ng Iloilo, .5-2.5.

Sa kabuuan, ang Toledo ay may hawak na 118 match points kumpara sa Camarines na may 110.5 points.

Sa isa pang kapanapanabik na enkuwentro na tinampukan ng dalawang astig na teams mula Mindanao, ginapi ng Surigao Fianchetto Checkmates ang Davao Eagles, 13.5-7.5.

Naungusan ni IM Rolando Nolte si Asian Para Games champion Sander Severino, 2-1; itinumba ni Joey Albert Florendo si Nino Aton, 3-0; tinuhog ni Mariel Romero si Karen Enriquez, 3-0; at ginulat ni Rogelio Enriquez si Henry Lopez, 2.5-.5, para sa panalo ng Surigao.

Tanging si Alexander Lupian ang namayani para sa Davao matapos ang 3-0 sweep laban kay Cyril Ortega sa senior board.

Nakabawi naman ang Davao sa kanilang 14-7 panalo laban sa Arriba Iriga na kung saan wagi sina Severino, Aton, Lupian at Lopez.

Si Isabel Palibino ay nanaig laban kay Enriquez, 3-0, sa female board para sa tanging panalo ng Iriga.

Ang PCAP, ang una at natatanging professional chess league sa bansa, ay pinamumunuan nina President- Commissioner Atty. Paul Elauria, at Chairman Michael Angelo Chua.

Ang kumpetisyon ay itinataguyod ng San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx at binabasbasan ng Games and Amusements Board (GAB), sa ilalim ng liderato ni Chairman Atty. Richard Clarin.

Ginaganap anh mga laro tuwing Wednesday at Saturday.