Calendar
Matapos ulanin ng batikos, Alvarez humingi ng pasensya sa kanyang mga nasabi
DAHIL sa inabot na matinding batikos, napuwersang humingi ng paumanhin si dating Speaker Pantaleon Alvarez sa kanyang walang basehan at may pagka-sedisyong panawagan sa militar at pulisya na iatras ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong”
R. Marcos Jr.
“Pasensya na, nadala rin ng bugso ng damdamin,” ani Alvarez sa isang pahayag sa isang prayer rally sa Tagum City.
Binanatan rin si Alvarez ng mga kasamahang kongresista, kabilang ang Mindanaoans na sina Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo, Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Nais ni Romualdo na kasuhan ng Department of Justice (DoJ) ng sedisyon si Alvarez at sinabi naman ni Dimaporo na hindi malayong maharap sa ethics complaint ang dating Speaker.
Ibinasura rin ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National
Police (PNP) ang panawagan ni Alvarez kasabay ng paggiit ng kanilang suporta kay Pangulong Marcos.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nananatiling committed ang AFP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.
“The AFP reiterates its unwavering commitment to professionalism, loyalty to the Constitution, and strict adherence to the Chain of Command,” ani Padilla.
“Our soldiers, pilots, sailors and marines remain dedicated to our mandate of safeguarding the sovereignty and territorial integrity of the Philippines, regardless of any political affiliations or individuals in authority.”
“Our duty is to protect the Filipino people and uphold the rule of law, ensuring that peace and development will prevail throughout the nation. We will continue to fulfill these responsibilities with integrity, impartiality, and utmost dedication,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nanatili ang suporta ng ahensya sa gobyerno at nanawagan na huwag isama ang kapulisan sa pamumulitika.
“On the part of the PNP, we have the Constitution at ang aming loyalty ay nasa kababayan po. Let us spare our uniformed personnel sa mga ganitong usaping politikal,” sabi ni Fajardo.
“Wala namang basehan po sa ngayon po para mag-alis tayo o mag-withdraw ng suporta sa duly constituted authorities at ito ay igalang po muna natin,” dagdag pa ni Fajardo.