jerico

Anak ni congressman Erice hindi pinagpyansa ng korte sa kasong droga

Jerico Javier Mar 11, 2022
1187 Views

MUKANG hihilahin pababa si dating Caloocan Rep. Edgar Erice na tumatakbo ngayong alkalde ng lungsod, ng kanyang anak na si Erice Jr., dahil sa kasong kinakaharap nito na may kaugnayan sa droga.

Kamakailan ay napabalitang ibinasura ng Pasay Regional Trial Court (RTC) branch 231 ang apela nitong si Edgar Erice Jr. na maghain ng piyansa para sa kasong iligal na droga na kinasangkutan nito at ng isang Rafael Alberto noong Marso 12, 2018.

Nauna ng nagdesisyon ang naturang korte sa merito ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article 2 ng Republic Act 9165 o paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at iniutos nga ang pagdakip kay Erice.

Ayon sa desisyon ng korte, sinasabing hindi maaaring katigan nito ang hiling ni Erice na makapag-hain ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan, sa dahilang mabigat ang mga ebidensyang inihain laban sa kanya.

Sa testimonya ng mga pulis na umaktong poseur buyer na sina PO2 Tagay at PO2 Marquez mismong si Erice ang nag-abot sa sachet ng shabu kay PO2 Tagay sa 4th floor ng Park Mansion sa Pasay matapos na magbayad sa kasamahan ni Erice na si Rafael Alberto alyas Biboy.

Unang sumumpa sina Erice at Alberto ng “not guilty” subalit kalaunan ay binawi rin dahilan sa alok ng prosekusyon na kalaunan ay kinansela naman ng korte dahilan sa bigat ng mga ebidensya sa dalawang nasasakdal.

Mukhang hindi makatutulong ito sa kampanya ni Erice lalo na at tumatakbo siya bilang ama ng lungsod ng Caloocan kung mismong ang kanyang sariling anak ay may kinakaharap na malaking problema.

Alam naman natin ang publiko o mga botante kapag nag-desisyon, malaking bagay sa kanila kung may bahid ba ng dungis ang kanilang ihahalal na kandidato. Lalo na kung isyu sa droga, siguradong malaking kabawasan sa puntos niya ito.

Lalo na ngayon na kitang kita ang mga magagandang nagawa ng kasalukuyabng administrasyon sa ilalim ni Mayor Oca Malapitan.

Siguradong ang unang tanong ng boboto ay kung paano mo reresolbahan ang problema ng lungsod sa droga kung sa sariling bakuran mo ay nabahiran ka?

Tiyak malaking bagahe ito sa kampanya ni Erice. Pero sa huli taong bayan pa rin ang magde-desisyon.