Louis Biraogo

Ang darating na People Power sa 2022

819 Views

PAGKATAPOS mabigong mapigilan ang pagtakbo ni Bong Bong Marcos (BBM) sa pagka-Pangulo ng Pilipinas sa darating na halalan ngayong Mayo, 2022 sa pamamagitan ng pagsampa ng iba’t ibang kaso sa Commission on Elections (COMELEC) at Korte Suprema; at, pagkatapos mabigong pabagsakin ang porsyentong nakukuha ni BBM sa mga pananaliksik (survey) gamit ang pagpapa-ulan ng katakot-takot na paninira ang mga katunggali ni BBM, ang mga uhaw sa kapangyarihan at nagsasabwatan na Pink/Yellow at Pula/Komunista na mga kampo, ay binibitawan na ang natitirang mga baraha para makuha ang pinag-aagawang trono sa gaganapin na halalan ngayong taon.

Anu-ano ang mga barahang ito?

Una sa mga barahang ito ay ang pagpapapatay kay BBM. May mga ulat na tungkol dito kung saan may natuklasang banta laban sa buhay ni BBM na inihayag sa TikTok, mga isang buwan palang ang nakakalipas. Kahit na ang pagpapatay sa isang nangununang kandidato ay mahirap ipapatupad, gayunpaman maaari pa rin itong magkakatotoo.

Kamakailan lang ay nabalitaan natin na pinaslang ang Presidente ng bansang Haiti ng mga nabayarang mersenaryo na nagmula pa sa labas ng bansa kung saan ginanap ang paspaslang.

At napabalita din kamakailan lang na ang barahang pagpapatay ng Pangulo ay sinubukan din ng bansang Russia laban sa bansang Ukraine. Hindi ba ibinalita na nagpakawala ang Russia ng hindi lang iisa, kundi maraming grupong inatasang papatay sa Presidente ng Ukraine habang isinasagawa ang paglusob ng Russia sa Ukraine?

Pangalawa na baraha ay ang malawakang pandaraya. Sinisimulang ipinapatupad ito sa pamamagitan ng “mind conditioning” o paglilinlang ng madla na mayroong nagaganap pag-usbong sa kampanya ni Robredo, kahit wala naman at hindi totoo. Hindi ba natin napapansin ang biglang pagdami ng mga dumadalo sa pagtitipon-tipong pampulitika ni Robredo? Hindi ba natin nabalitaan na ito’y binulgar ni Kong. Boying Remulla na huwad ang ipinapakitang dami ng dumalo sa pagtitipon-tipong pampulitika (rally) sa Kabite at kasinungalingan ang pinapapakitang pag-usbong ng kampanya ni Robredo dahil gumamit ng bayarang mga kalahok?

Ngayon, sinundan ang ganitong “mind conditioning” o panlilinlang ng mga sunod-sunod na pagkalat sa social media ng mga pekeng resulta ng pananaliksik sa pulso ng mga botante (voter preference survey) kung saan ay ipinapakita na mayroong biglang pag-usbong sa kampanya ni Robredo.

Kaya ginagawa ang dalawang hakbaang na nabanggit ko naunang talata dahil magtatagumpay lamang ang pandaraya kung hindi gaano kalakihan ang lamang ng dinadaya na kandidato. Bakit nga ba? Maaaring mahirap mapagtakpan ang napakalaking dagdag o bawas na gagawin sa mga botong naitala kapag hanggang langit ang agwat ng nakatakdang aayusin. O di kaya, may hangganan ang ginagamit na pamamaraan sa pandaraya. Higit sa lahat, kinakailangan din ang “mind conditioning” o panlilinlang upang kapani-paniwala sa madla ang huwad na resulta ng halalan upang mapigilan ang pag-aklas ng taumbayan.

Pangatlong baraha ay ang people power. Ang people power ay nagsisimula din sa nabanggit na na pinapakuluang “mind conditioning” o panglilinlang. Ang panlilinlang ay ginagawa, hindi lamang sa mga taga-sunod ng kandidatong aalisin sa puwesto, kundi sa mismong mga taga-sunod ng magsasagawa ng people power. Mas madali nga namang masulsulan ang mga tao na lumusob tungo sa isang mapanganib at ipinagbabawal sa batas na pag-aklas kung ang paniwala nila’y biktima sila ng isang kabalbalan, at gusto lang nilang ituwid sa pamamagitan ng pag-aklas.

Ngunit ang people power ay nangangailangan ng mitsa o “trigger event”. Noong 1986, sa naganap na people power, ang naging mitsa ay ang pagtangka ng grupo ni Sen. Juan Ponce Enrile na agawin ang kapangyarihan ng pamahalaan sa pamamagitan ng isang coup d’etat. Noong hindi naisagawa ang kanilang napaghandaang mga hakbang, umatras sila at nag-kuta sa Kampo Krame. Pagkatapos noon ay sumaklolo ang yumaong Cardinal Jaime Sin at inatasan ang mga tapat na taga-sunod ng simbahang Katoliko na paligiran ang grupo ni Enrile upang protektahan.

At kalaunan, naagaw nga ang kapangyarihan ng pamahalaan. Ngunit, si Corazon Aquino ang napa-upong Pangulo pagkatapos napatalsik sa bansa si dating Presidente Ferdinand E. Marcos.

Ano ngayon ang mitsa sa gaganapin na people power sa taong 2022? Nabanggit na ni Kong Boying Remulla at ni Sen. Panfilo Lacson na nakuha na ng kampo ni Robredo ang pakiki-isa ng kaliwa. Kaya may sabwatan na ang pink/dilaw at pula/kaliwa! Di kaya sa mga kaliwa naman manggagaling ang mitsa sa gaganapin na people power 2022?

May kasabihan na “ang mga hindi natututo sa mga pangagaral ng nakaraang pangyayari, ay maparusahang maging biktima sa pag-ulit nito.”

Ngayon, ano ang mga aral na dapat nating tandaan sa nalalabing baraha ng mga katunggali ni BBM para mapigilan ang pagkapanalo nito?

Una, ang pagpapapatay sa isang mananalo o nanalo sa halalan ay labag sa kagustuhan ng taumbayan at labag sa batas ng Panginoon.

Pangalawa, ang pandaraya sa halalan ay yumuyurak sa karapatan ng bawat mamamayan dahil kailangan maitala ang bawat boto ninuman, ano man ang katayuan sa buhay at sino man ang napili niyang iboto.

Pangatlo, ang huwad na people power ay labag din sa inuutos ng isang demokrasya dahil ang boses ng nakakarami, at hindi lang ang boses ng kaunting maiingay at mapanlinlang, ang dapat masunod.

Higit sa lahat, ang pinakamahalagang aral ay ang katotohanan na hindi masusunod, sa lahat ng panahon, ang kanya-kanyang kagustuhan, gaano man kagaling, kalinis o kahusay ang hangarin, dahil ang napagkaisahan ng lahat ay ang pamumuno ng nakakarami sa ilalalim ng batas.

Maliwanag na huwag nating pahintulutan ang people power dahil ang isang halalan ay ang maayos, mapayapa at sibilisadong pamamaraan.