Calendar
Malacanang kakasuhan mga nagpapakalat ng PBBM deepfake
TINIYAK ng Presidential Communications Office (PCO) na may gagawing legal na hakbang ang Palasyo ng Malakanyang laban sa mga nagpapakalat ng deepfake videos na nagsasabing iniuutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-atake sa isang bansa.
Ayon kay PCO Assistant Secretary Patricia Kayle Martin, natanggal na sa social media ang mga pekeng posts.
Nakipag-ugnayan na aniya ang PCO sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa National Security Council (NSC) para magsagawa ng imbestigasyon.
“Well, actually, we reached out to DICT ‘no at sa ating National Security Council noong lumabas itong mga deepfake videos ‘no and they’re very active sa pag-investigate about this, but hindi lamang pagtukoy ang layunin natin but kundi magsampa ng kaukulang mga aksyon laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon,” pahayag ni Martin.
Ayon kay Martin, base sa inisyal na imbestigasyon ng DICT, isang dayuhang aktor ang nasa likod ng deepfake videos.
Bagama’t hindi na aniya nagulat si Pangulong Marcos, hindi dapat na ipagwalang bahala ang pekeng posts dahil nakaaalarma ito sa posibilidad na masira ang relasyon ng Pilipinas sa ibang bansa.
Hinikayat ng PCO ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sa mga pekeng balita.
“Actually, di ba ang dati po ang problema natin mga — may makikita tayo sa social media na mga quote cards or mga memes lang, ngayon iba na eh. Pati kasi ‘yung boses mayroon na. So, talagang mahalaga na tigilan ‘yung ganitong uri ng fake news dahil may potential itong magdulot ng malubhang pinsala sa ating foreign relations and national security,” pahayag ni Martin.
Nagpahayag na aniya ang malalaking social media platforms gaya ng Google, TikTok, Meta o Facebook, Instagram at X na makikipagtulungan sa PCO para sa Media and Information Literacy Campaign.