Lacson-Sotto

Lacson lodi ng mga taga-Zambales

482 Views

MASAYANG sinalubong ng mga taga-Castillejos, Zambales sina Partido Reporma chairman at standard-bearer Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto na bumisita sa bayang ito, Biyernes (Marso 11).

Balik-probinsya ang tambalang Lacson-Sotto para ikampanya ang kanilang mga isinusulong na adbokasiya at magbigay pag-asa para sa pagkakaroon ng isang mabuting gobyerno na sinang-ayunan ng mga residente, lokal na opisyal at mga kawani ng pamahalaang bayan ng Castillejos.

Sa kanilang courtesy call kay incumbent Mayor Eleanor Dominguez, kasama ni mayoral candidate Jose Angelo Dominguez, ipinagmalaki nila na solido ang kanilang suporta kay Lacson hindi lamang dahil sila ay magkapartido ngunit naniniwala sila sa paninindigan niya bilang isang lingkod bayan.

Ayon pa sa tumatakbong alkalde, idolo nila si Lacson dahil sa mga programa niyang “hindi pang-tsubibo” na nagpapaikot-ikot lamang sa publiko. Dagdag niya, hindi ‘pangarap’ lamang ang plataporma ng kanilang presidential candidate, dahil kaya itong magawa ng tulad niya na isang tunay na lider.

Sinabi ng mag-asawang Dominguez na simula sa kanyang kandidatura sa Senado hanggang sa krusada bilang presidential candidate ay si Lacson na ang kanilang ikinakampanya. Tinututukan din nila ang mga forum at debate na dinadaluhan ng chairman ng Partido Reporma dahil siya ang pinakamagaling sa lahat ng mga kasalukuyang kandidato.

Kasunod ng maikling kumustahan kasama ng mga lokal na opisyal, sunod na nakipag-dayalogo ang tambalang Lacson-Sotto sa mga residente ng Castillejos para alamin ang kanilang mga hinaing at katanungan hinggil sa kabuhayan, agrikultura, at kanilang mga programa para sa kaunlaran.

Ipinakilala ng dalawang batikang lingkod-bayan ang kanilang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program na anila’y solusyon para sa mga matagal nang problema na nararanasan hindi lamang sa Zambales, ngunit maging sa iba pang mga probinsya sa bansa.