Calendar
Amyenda sa RTL inaprubahan ng House panel para mapababa presyo ng bigas
APRUBADO na ng House Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Quezon Rep. Mark Enverga ang panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na layong pababain ang presyo ng bigas.
Kasunod ito ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na handa nitong sertipikahan bilang urgent ang panukala.
Pinasalamatan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang komite sa mabilis nitong pag-aksyon sa panukala, “It is important that we provide our people, especially the poor, access to rice that is much cheaper than market prices.”
Sa pamamagitan aniya ng pagbabalik ng mandato ng National Food Authority (NFA) ay hindi lang ito makakabili ng palay mula sa mga magsasaka kundi makapagbebenta na rin ito ng bigas direkta sa mga mamimili.
Sa kaniyang pagtaya maaaring bumaba ng P10 hanggang P15 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
Nitong Lunes ay nakipagpulong si Speaker Romauldez sa mga opisyal ng Department of Agriculture kung saan napagkasunduan na makapagbenta ng mas murang bigas sa mga Kadiwa Stores.
Nangako rin ang lider ng Kamara na aaprubahan ang panukalang pagbabago sa RTL sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa huling bahagi ng Mayo.
Ayon kay Enverga, layunin ng panukala na panatilihin ang presensya ng NFA sa mga pamilihan upang maaari itong magbuhos ng suplay sa panahon na tumaas ang presyo ng commercial rice.
“Of course, we know how important this is to Speaker Martin Romualdez. Gusto po niyang ma-realize na na mababa po natin ‘yung presyo. Ganyundin, as announced by the President, he’s very much willing to certify this measure. So, ito po ay ang paraan po natin para meron po tayong affordable rice para po sa ating mga kababayan,” diin ni Enverga
Umapela naman si Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo sa Senado na sumegunda sa panukala ng Kamara.
“We’re facing another uphill battle here. Nakalusot nga ho dito. Ang problem ho namin ngayon, is the Senate. Iba ho ‘yung version nila e. Yung version ho ng Senate, walang laman, eh. Eh, wala. Ang binabanggit doon na NFA. So, pumasa man ho dito, pagdating mo sa kanila, wala ring mangyayari,” ani Tulfo.
Kaya apela nito sa Senado na kopyahin at tanggapin na lang ang bersyon ng Kamara ng RTL amendments.
“Pakiusap po namin sa Senate. Baka pwede naman ho, sumabay na lang ho kayo sa version namin. Isantabi ho muna natin ‘yung mga business interest, personal interest natin. Unahin po muna natin ‘yung interest ng mga tao, ng nakakarami ho sa atin. Otherwise, wala ho mangyayari. Kaya tayo napupulaan ng taumbayan. Puro tayo porma. Puro tayo kwento. Why don’t we just do our work? Let us unite. Para sa isang mission, ang mission natin, everybody can buy rice,” saad pa ng mambabatas.
Pagdating naman sa isyu ng korapsyon, sabi ni Tulfo na matutugunan ito ng anti-Agricultural Smuggling Act.
“Besides, eh, trabaho na ho ng mga…agencies natin, manghuli ng mga corrupt, ng mga officials, ng mga employees, di po ba? Hindi na ho problema ng taumbayan ‘yan. That is not the problem of the people. The problem of the people right now, cheap rice. And we have to answer this immediately,” ani Tulfo.
Punto ng mambabatas na nauubusan na ng oras para aprubahan ang reporma sa RTL lalo na sa Senado lalo at sa loob ng tatlong lingo ay sine die adjournment na ng Kongreso.
“I’m asking yung mga counterparts namin sa Senate, baka pwede ho, ilapit-lapit ho ninyo yung version nyo sa amin. Kahit yung NFA na lamang ho, huwag na ho natin pag-usapan ‘yung iba. Kasi sa tingin ho namin, wala hong laman ho yung sa Senate eh. Eh, mas maganda ho siguro, lagyan na rin ho ninyo dyan sa Senate na pwede ho magbenta ang NFA, mag-intervene kagaya ng mga panahon ho ngayon na napakamahal ng bigas,” dagdag niya.
“Marami ho tayong mga kababayan nagugutom. We have to do something about this. Yes. Sayang po pagiging representatives natin. Sayang po pagiging senator natin. If we can’t do anything. We have the power in our hands, ladies and gentlemen,” giit pa ni Tulfo.