Pangandaman1 Budget Sec. Amenah Pangandaman

Pangandaman inaprubahan na pagbibigay ng mid-year bonus ng mga kawani ng gobyerno Mayo 15

Chona Yu May 14, 2024
112 Views

INAPRUBAHAN na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagbibigay ng mid-year bonus sa mga kawani ng gobyerno.

Ayon kay Pangandaman, matatanggap ang bonus ngayong araw, Mayo 15.

“I am pleased to announce that our civil servants will receive their mid-year bonus this year. We know that this is eagerly awaited by our fellow government employees and will significantly assist them in meeting their daily needs,” pahayag ni Pangandaman.

“As always, we remind all government agencies and offices to ensure the prompt and timely release of bonuses to their employees, in accordance with our existing rules and regulations. This will begin on May 15,” dagdag ni Pangandaman.

Nabatid na ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang basic pay ng mga kwalipikadong kawani ng gobyerno.

Ibinibigay ang bonus sa mga karapat-dapat na mga kawani na nagtrabaho ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Pangandaman, ang kawani ay dapat na nasa serbisyo pa rin ng gobyerno mula Mayo 15 ng kasalukuyang taon at dapat ay nakatanggap ng hindi bababa sa satisfactory performance rating sa pinakahuling rating period, o naaangkop na panahon ng performance appraisal.

Ibibigay ang mid-year bonus sa mga civilian personnel, kasama ang mga regular, casual, at contractual employees. Kasama rin dito ang mga appointive o elective positions, maging full-time o part-time, sa mga sangay ng Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions, ibang pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), at Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System (CPCS), pati na rin ang mga local government units (LGUs).

Hindi lamang para sa mga civilian personnel ang mid-year bonus; ito rin ay para sa mga military at uniformed personnel. Kasama dito ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Department of National Defense, pati na rin ang mga personnel mula sa Philippine National Police, Philippine Public Safety College, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority. Lahat sila ay eligible na tumanggap ng bonus na ito.

Ang alokasyon ng mid-year bonus para sa mga kawani sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay ay itatalaga ng kanilang mga sanggunian, na napapailalim sa mga kondisyon ng patakaran para sa layunin sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2.

Bukod dito, ang pondo para sa pagkakaloob ng mid-year bonus ay kumpletong inilabas sa mga kinauukulang ahensya sa simula ng fiscal year. Kaya, ang pagbibigay ng nasabing benepisyo sa mga kwalipikadong kawani ay nasa hurisdiksyon na ng mga kinauukulang ahensya.