BRAVE

Magkaiba man ang relihiyon, lahat pantay-pantay

237 Views

PORAC, Pampanga—Hindi hahayaan nina Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto na magkaroon ng hindi pantay na pagtrato sa mga Pilipino na may ibang lahi o pinaniniwalaang relihiyon.

Ayon sa tambalang Lacson-Sotto, sa ilalim ng kanilang pamumuno sakaling sila ang piliin ng mga Pilipino para maging susunod na presidente at bise presidente, sisiguruhin nila na makikinabang sa kanilang liderato ang lahat ng Pilipino—Kristyano man o Muslim.

Sinabi ito ni Lacson dahil batid niyang hanggang sa ngayon, may ilan pa rin sa mga naniniwala kay Allah ang nakakaranas ng hindi pantay na pagtingin sa komunidad na kanilang tinitirhan, lalo na ang mga nasa labas ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).

“Ang programa namin pagka kami ay nanalo, ‘yung sa national budget, ‘yung reform, na kung saan lalagyan ng pondo ang mga local government unit… Wala nang distinction ‘yon—mapa-Muslim man kayo, o mapa-Kristiyano man kayo, o ano man ang inyong relihiyon—walang distinction kasi member na kayo ng community,” sabi ni presidential candidate.

Tinutukoy ni Lacson ang pangunahin niyang plataporma na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) na magbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng mga lokal na pamahalaan para makakuha ng kinakailangan nilang pondo para sa pag-unlad ng kanilang mga barangay.

Inihayag din ito ni Sotto sa kanilang naging dayalogo sa mga residente sa Castillejos, Zambales, na kanilang binisita noong Biyernes. Aniya, sa ilalim ng kanilang administrasyon, hindi nila kukunsintihin ang anumang diskriminasyon sa relihiyon o maging sa sektor ng edukasyon.

“Sa amin, makakasiguro po kayo na matingkad sa amin ang religious freedom, educational freedom. Hindi namin po hinahayaang magalaw ‘yan. At pagka may programa po kami na sinasabi sa livelihood, para sa lahat po ‘yan, kahit anong relihiyon…” saad ni Sotto.

Parehong Katoliko sina Lacson at Sotto ngunit mahalaga rin sa kanila ang boses ng mga Pilipino na may ibang relihiyon. Katunayan, sa kanilang mga campaign rally, sinisiguro ng mga organizer na may representasyon ang mga Muslim sa kanilang mga town hall meeting sa iba’t ibang probinsya.