bro marianito

Lagi nating kasama si Hesu-Kristo

450 Views

JesusMatatakot at mangangamba pa ba tayo kapag sinabi ni Jesus sa atin: “Huwag kayong matakot. Ako ito”. (Juan 6:16-21)

SA kasagsagan ng pandemya marami sa ating mga kababayan ang pinanghihinaan na ng loob at ang ilan naman ay tuluyan ng nawawalan ng pananampalataya sa Panginoong Diyos.

Ngunit pinaalalahanan tayo ng Mabuting Balita (Juan 6:16-21) na kailangan nating lakasan ang ating loob upang mawala ang ating mga takot at lagi nating isa-isip at isapuso na hindi nawawala ang presensiya ng Diyos sa ating pang araw-araw na buhay.

Ganito ang ating matutunghayan sa Pagbasa nang maglayag ang mga Disipulo ni Jesus patungong Capernaum.
Habang ang mga Alagad ay naglalayag ay biglang lumakas ang hangin at lumaki ang alon.

Nang sila ay nagsasagwan, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanilang bangka at sila ay natakot.
Gayunman, kinalma sila ng ating Panginoon nang sabihin nito sa kanila na:

“Huwag kayong matakot. Ako ito”. (Juan 6:20)

Sa mga panahong ito, ang bawat isa sa atin partikular na ang mga taong nakaratay ngayon sa iba’t-ibang Ospital dahil sa COVID-19 ay kasalukuyang may sinasagupa ng unos sa kanilang buhay dahil sa patuloy na pamumuksa ng pandemiya.

Subalit gaano man kalakas ang unos na ito. Ito ay kayang pawiin ng ating Panginoong Jesus kung pananatilihin lamang natin ang ating pananampalataya sa kaniya dahil hindi tayo pababayaan ng Diyos ano man ang mangyari.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na mawawala ang ating takot at pangamba kung aalalahanin lamang natin na ang presensiya ni Hesu-Kristo ay lagi nating kasama sa pamamagitan ng mga taong nagmamalasakit, tumutulong at nagmamahal sa atin.

Sila ang ginagamit na instrumento ng ating Panginoon para iparamdam niya sa atin ang kaniyang presensiya at pag-ibig na parang sinasabi rin niya sa atin:

“Huwag kayong matakot. Nandito ako sa tabi niyo.”

Maraming bagay ang ating kinatatakutan sa buhay, ngunit kadalasan mas nagiging malaki pa ang ating takot kaysa sa ating pananampalataya.
Kaya lalo tayong nilalamon at ginugupo ng sobrang pag-aalala na siyang kumikitil sa ating pananalig sa Diyos.

Sapagkat hinahayaan natin na lamunin tayo ng ating mga alalahanin sa halip na magpakatatag tayo at manalangin sa Panginoong Diyos para tayo ay kaniyang tulungan.

Ganito ang ipinamalas ng mga Alagad sa ating Pagbasa na nagpaubaya sa kanilang takot sa halip na sila ay magpakatatag, nakalimutan nila na kasama nila sa kanilang paglalakbay si Hesu-Kristo na kanilang Maestro at Panginoon.

Ipinapahayag ni Jesus ang kaniyang mensahe para sa ating lahat na ang kaniyang presensiya ang nagbibigay sa atin ng tunay na lakas at tapang upang patuloy nating harapin anoman ang ating kinatatakutan sa buhay.
Sinasabi niya sa ating lahat: “Huwag kayong matakot. Ako ito”.

May dahilan pa ba para tayo ay mabalot ng takot?

Manalangin Tayo:

Panginoong Jesus, nagpapasalamat po kami at hindi mo kami pinababayan. Ang iyong presensiya ay lagi naming kasama sa pamamagitan ng aming kapwa para huwag kaming matakot at mangamba.

AMEN