Calendar
Banta ng China na huhulihin WPS trespassers binuweltahan
BINUWELTAHAN ng mga lider ng Kamara de Representantes ang banta ng China na arestuhin ang sinomang dayuhang iligal na papasok sa South China Sea.
Giit nila, mismong China ang nangungunang trespasser o nanghihimasok sa loob pa mismo ng exclusive economic zone (EZZ) ng Pilipinas.
“Kung meron mang lumalabag sa teritoryo, ito ‘yung mga Chinese. Nakakatawa, kung may unang lalabag dapat arestuhin nila ‘yung mga sarili nila, hindi ba? Dahil sila ‘yung lumalabag sa ating teritoryo,” ani House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun sa isang pulong balitaan.
Sabi pa ni Khonghun pinapalala lang ng China ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) na nakaka-apekto aniya sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda.
“Nakakalungkot dahil itinataas nito ang tension doon sa lugar at kaawa-awa rin ang ating mga mangingisda dahil karamihan naman ng mga nandoon, nagpupunta roon eh ‘yung mga mangingisda natin,” punto pa nito.
Sinang-ayunan ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez ang pagkabahala ni Khonghun kaugnay ng panganib na hinaharap ng mga mangingisda ng Zambales at Bataan.
Kinuwestyon din ni Suarez ang presensya ng China sa WPS dahil wala naman silang karapatan sa lugar na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
“Atin ‘yan eh. Ilang beses pa ba natin…hindi na kailangang i-memorize ‘yun eh. Sa Pilipinas yan eh, bakit ba sila nandiyan, hindi ba?” sabi ni Suarez.
Tinawanan naman ni Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang banta ng China.
Inihalintulad pa nito ang pagpapatupad sa Lina Law na nagbabawal sa pag-squat o pag-okupa sa lupa ng ibang tao.
Malinaw aniya na China ang nanghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas na kinikilala ng desisyon ng iba’t ibang international bodies.
Sa kabila naman ng palitan ng mga salita, ipinaalala ni Ortega na kailangan iwasan na palalain pa ang gulo.
Binigyang diin nito ang direksyong itinakda ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na resolbahin ang mga isyu sa pamamagitan ng mapayapa at diplomatikong pamamaraan.
“At the end of the day, ang direksyon po ng ating Pangulo ay ayusin ito sa pinakamaayos at pinakamahinahon na paraan, and, of course, madepensahan po iyong ating rights and soberanya,” sabi ni Ortega
Para naman kay Assistant Majority Leader at Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora ang pagbabanta ay isa lamang intimidation tactic ng China.
At kung gagawin nila ito, sinabi ng lady solon na tiyak na maraming international law sila na lalabagin.
Binigyan-diin din niya ang pagkakaroon ng malayang paglalayag at karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na bumaybay sa naturang karagatan.
Hindi lang aniya Pilipinas ang kakalabanin ng China kung ituloy ang pag-aresto kundi ang buong global community na sumusuporta sa posisyon ng Pilipinas.
“Kaya po siguro magdalawang-isip po sila kasi hindi lang naman po Pilipinas po ang kakalabanin nila kapag ginawa po nila ito. Buong mundo po ang nakasuporta sa Pilipinas,” giit pa niya.
Sabi naman ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores na ipinapakita nito ang laking pagkakaiba sa pagtugon ng Pilipinas at China sa isyu sa WPS.
“It shows na sa atin dialogue and diplomacy, sa kanila threats and aggression,” sabi ng Chairperson ng House Committee on Government Reorganization.
Pagpapatuloy pa niya, “These are two conflicting policies that both countries follow. Atin naman is like we will continue to exercise sovereignty over these areas and continue to exercise our rights. Sila naman, they’re going to continuously threaten and try to bully us into submission, and I don’t think it’s going to happen.”
Mananatili, ani Flores ang determinasyon ng Pilipinas na tindigan ang ating posisyon at karapatan at magiging mahinahon upang hindi uminit ang tensyon sa rehiyon.
Nababahala naman si Manila 3rd District Rep. Joel Chua para sa kaligtasan ng mga mangingisda at coastal areas dahil sab anta na ito ng China.
Mahalaga aniya na bigyang suporta ang ating Philippine Coast Guard (PCG).
“Ito pong threat ng Chinese ay isang nakakatakot na threat kaya dapat po bigyan po natin ng suporta ang [PCG] natin,” sabi ni Chua.
Dagdag niya, “Maglagay po tayo ng auxiliary personnel. Bukod po dito, meron din po tayong PNP Maritime Group kaya dapat po bigyan natin ng suporta ‘yung Coast Guard natin para maprotektahan po ‘yung mga mangingisda at atin pong [teritoryo].”