Calendar
Imee sinisi sa tapyas budget kaya nawalan ng 4Ps educ grant mahigit 600K benepisyaryo
MAHIGIT 600K benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang hindi nakatanggap ng educational grant noong 2023 dahil sa malaking tapyas sa budget na isinulong ni Sen. Imee Marcos.
Sa pagdinig nitong Lunes ng House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng ABANG LINGKOD Partylist, sinabi ng kinatawan ng DSWD na kailangan ng ahensya ng P3.9 bilyon upang mapunan ang educational grant para sa 667,608 benepisyaryo ng 4Ps.
Ayon sa DSWD ang inisyal na inaasahang kakulangan sa budget na P9.5 bilyon para sa 4Ps program noong 2023—P6.5 bilyon para sa educational grant at P3 bilyon para sa rice subsidy, ay paunang estimate lamang at naitala na ito matapos ang isinagawang validation.
“Na-confirm na po natin na nung nakaraang budget season tinapyasan ng P8 bilyon po ng sponsor (ng budget sa Senate) ng DSWD ni Sen. (Imee) Marcos. And it wasn’t fair dahil ang utilization rate at that time, allegedly was at 45 percent pero kalahati lang ng payment cycle ang kinonsider natin,” sabi ni 4Ps Partylist Rep. Jonathan Clement “JC” Abalos.
“The big issue now is the availability of cash on hand. So paano po natin mapapaglilingkuran ang ating mga benepisyaryo na hindi pa nakakatanggap ng cash grant mula last year mula nung sila ay ma-reassessed?” dagdag pa ni Abalos.
Ayon kay Paduano, nangako ang DSWD na hahabuling ang hindi naibigay na benepisyo kapag natapos ang validation ng listahan.
“However, since the DSWD’s budget has been decreased, they could not fulfill this duty and promise unless we find solutions now,” sabi ni Abalos.
Bukod sa P3.9 bilyong kulang na budget para noong 2023, mayroon din umanong inaasahang kakulangan na P6.5 bilyon para sa 4Ps program ngayong 2024.
Sa pagdinig, sinabi ni Anabelle Luna, vice president ng Samahang Nagkakaisa ng Pamilyang Pantawid (SNPP) ng Maynila, na maraming benepisyaryo ang nahirapan dahil hindi dumarating ang kanilang kinakailangang ayuda.
“Bilang isang beneficiary po, malaking pangamba sa katulad ko na nagpapa-aral ng anak na hindi na po sa tama yung natatanggap sa schedule ng mga payouts. Parang suntok sa buwan kung meron bang laman ang aming mga cash card,” sabi ni Luna.
“Alam po namin na ito ay ayuda pero malaking bagay po ang magagawa nito na magiging tuntungan namin para naman hindi na kami manatiling mahirap,” dagdag pa nito.
Umaabot sa P13 bilyon ang nabawas sa budget ng 4Ps noong 2023.
Ipinunto naman ni Antipolo Rep. Romeo Acop na walang kinalaman ng Kamara sa pagbawas sa budget ng DSWD.
“Tama po yun sir, sa GAB (General Appropriations Bill), sa GAB version that addresses our requirements,” sabi ni DSWD Undersecretary Adonis Sulit.
Upang matugunan ang problema sinabi ni DSWD Usec. Fatima Aliah Dimaporo na sumulat na ang ahensya sa Department of Budget and Management (DBM).
Naghahanap umano ang DBM ng pondo sa ilalim ng 2023 budget upang mapunan ang kakulangan sa 4Ps program. Kasama umano sa pinag-aaralang opsyon ang isama ito sa panukalang 2025 budget.