BBM1

Pangulong Marcos kumpiyansa: Investors mula Indo-Pacific makatutulong palaguin negosyo sa PH

Chona Yu May 21, 2024
77 Views

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakatulong ang mga investors mula sa Indo-Pacific para sa pagpapalago ng negosyo sa Pilipinas.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Indo-Pacific Business Forum (IPBF) sa Taguig City, iginiit niya ang matatag na pangako ng Pilipinas para sa economic growth at international cooperation.

Kabilang aniya sa strategic partnership na ito ang Free Trade Agreements (FTAs) at ang General System of Preference (GSP) para masiguro na ang mga mamumuhunan dito sa Pilipinas mabibigyan ng benepisyo mula sa “preferential market access.”

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng pakikipag ugnayan sa iba’t-ibang bansa nakakamit ng Pilipinas ang access sa iba’t-ibang merkado tulad ng ASEAN market, Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at ang Philippine-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA).

Mahalaga rin anya sa Pilipinas na hindi lang nasa tamang lokasyon kundi makakuha ng access sa iba pang merkado sa pamamagitan ng FTAs.

Siniguro ng Pangulo sa IPBF na ang ekonomiya ng Pilipinas hindi lamang lumalago kundi patuloy na humahakbang kaya isa ang Pilipinas sa fastest-growing economies sa buong mundo.

“We are continuing to formulate transformative reforms to ensure a conducive business environment, cultivate a skilled and competitive workforce [and] drive industrial transformation.

Through these steadfast efforts, we are attracting foreign investments that are not only fueling our growth, but also broadening our economic base,” ayon pa kay Pangulong Marcos.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na patuloy na sinisikap ng pamahalaan na gawing mas episyente ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas.

Aminado si Pangulong Marcos na marami pang kailangang gawin para maging smart at sustainable ang transportasyon sa bansa.

Pero hindi tumitigil ang gobyerno sa pagtatrabaho para maisakatuparan ang mga programa at proyekto para mapagbuti ang sektor ng transportasyon.

Sa katunayan, mayroon ng National Transport Policy ang administrasyon na nagtutulungang maipatupad ng DPWH, DOTR at NEDA.

Ibinida rin ng Pangulo ang pamumuhunan sa mga kalsada at railways maging sa mga pantalan at paliparan.

Tinitingnan rin ng pamahalaan ang makabagong mga teknolohiya sa transport system sa pamamagitan ng investments at partnerships.