Calendar
ROTC Games palalawakin pa ni Sen. Tol
NANINIWALA si Sen.Francis Tolentino na kayang mapalawak pa ang kumpetisyon para sa mga atletang estudyante na nagnanais maging parte ng pambansang hukbong sandatahan sa pagpapahusay ng kanilang mga abilidad sa Reserve Officers’ Training Corps Games 2024.
Ipinahayag ni Sen. Tolentino ang kanyang pananaw na ang PRG sa loob ng 50 taon ay magiging “isang makabuluhang sandali sa kasaysayan ng Armed Forces at ROTC.”
“Napansin ko na ito ang magiging resulta ng pagnanais ng kabataang Pilipino na maging disiplinado, minamahal ng bayan,” pahayag ni Sen. Tolentino.
Magsisilbi naman panauhing pandangal si Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos sa pagbubukas ngayong umaga ng ikalawang edisyon ng multi-sports na kompetisyon para sa mga estudyanteng alteta ng mga sangay ng military ng bansa sa Panaad Park and Stadium.
Mula sa dating apat ay paglalabanan ang walo pang sports na idinagdag sa ikalawang edisyon ng PRG 2024 (ROTC Games) na nakatakdang magsimula sa una sa tatlo nitong regional leg sa Visayas na gaganapin simula sa Bacolod City sa Mayo 26 hanggang Hunyo 1.
Kasunod nito ang Mindanao leg sa Zamboanga City sa Hunyo 23 hanggang 29, ang Luzon leg sa Indang, Cavite sa Hulyo 28 hanggang Agusto 3 at ang pinakahuling pagsasama-sama ng mga kampeon sa National Championship sa Indang, Cavite sa Agosto 18-24.
Inaasahang magiging maigting din ang labanan sa ROTC Games 2024 sa pagdagdag sa mapanghamon na walong sporting events na paglalabanan na binubuo ng aquatics/swimming, arnis, athletics, basketball (5×5), boxing, chess, e-Sports (MLBB-COD), kickboxing, sepaktakraw, taekwondo, table tennis, volleyball, target shooting, raiders competition at ang pinakatampok na Miss ROTC.
Ang ikalawang edisyon ng ROTC Games ay daan para paunlarin ang kabataang Pilipino sa kanilang kontribusyon sa kasaysayan ng bansa.
Ang torneo ay sinuportahan nina Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Romeo Brawner Jr., Commission on Higher Education (CHED) Chairman Dr. Prospero de Vera, DILG Assistant Secretary Rolando C. Puno, at Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Paulo Francisco Tatad.
“Ang mga larong ito ay nagbibigay ng mahahalagang aral na humuhubog sa kanila sa hinaharap na mga lider,” sabi ni AFP Chief Brawner.
Inihayag ni CHED Chairman de Vera na ang ROTC Games ay “isang pagpapakita ng hindi lamang pisikal at mental na lakas ang madedebelop sa torneo kundi ang halaga bilang mga tagapagtanggol ng ating bansa.”
Samantala, binigyang-diin ni DND Secretary Teodoro kung paano ang PRG ay isang epektibong tool “na maaaring maging interesado ang mga kabataan sa isang pakikipagsapalaran na makakatulong sa kanilang bansa.”
Ang inaugural edition ng PRG noong 2023 ay dinaluhan ng 3,090 ROTC cadet athletes sa buong bansa.