Lagman

Lagman: Paggawa ng batas bibilis sa unicameral system

113 Views

PABOR ang beteranong mambabatas at abogado na si Albay Rep. Edcel Lagman sa pagkakaroon ng unicameral system na lehislatura dahil mas magiging mabilis umano ang paggawa ng batas kumpara sa kasalukuyang bicameral system na binubuo ng Senado at Kamara de Representantes.

Ito ang tugon ni Lagman ng tanungin kung sa kanyang palagay ay mas mabilis ang pag-usad ng mga panukalang batas, gaya ng Divorce Bill na kanyang akda, kung unicameral system ang bansa.

“Gusto ko unicameral, para mabilis ang legislation at para ma- pinpoint ang responsibility, ang responsibility doon sa unicameral. Ngayon, nagpapasa ng responsibility ‘yung House o ‘yung Senado at tumatagal ‘yung legislation,” ani Lagman.

Ang pagpapalit ng porma ng Kongreso ay mangangailangan ng amyenda sa Konstitusyon dahil isa itong institutional amendment.

Sa kasalukuyan walang amyendang political ang nakapaloob sa nakabinbing Resolution of Both Houses No. 6 ng Senado at RBH 7 ng Kamara na kapwa nagsusulong na baguhin ang economic provisions lamang ng 1987 Constitution.

Ang RBH 7 ay aprubado na sa Kamara samantalang ang RBH 6 ay nakabinbin pa sa subcommittee on Senado.

Sinabi ni Lagman na ang kanyang boto kung pabor o hindi sa panukalang amyenda ay depende sa magiging laman ng pinal na bersyon ng panukalang economic Charter change.

“Depende rin kung anong mga economic provisions na nanduon. Eto ba sa edukasyon, sa public utilities, sa advertising, depende ho. Iyong tatlong iyon, depende pero sa edukasyon palagay ko meron tayong reservation duon. Sa advertisement ay hindi naman kailangan na. The frontiers are wide open sa advertising,” saad niya.

Pagdating naman sa panukala na payagan ang full foreign ownership sa mga public utility, sinabi ng kinatawan ng Bicol na nakabinbin pa sa Korte Suprema ang kuwestyon sa Korte Suprema kaugnay ng pagiging ligal ng Public Service Act, na nagpapapasok sa mga dayuhan na mamuhunan sa sektor ng telekomunikasyon.

“Ang public utilities lang ang pag-uusapan natin at meron ng batas ngayon na iyong requirement ay iniba na pagkat, iyong public service and public utility ay iniba iyong definition, nakasalang iyan sa Korte Suprema,” wika ni Lagman.

Kung magdesisyon aniya ng Korte Suprema na kailangan nakasaad sa Saligang Batas ang liberalisasyon ay kakailanganin na amyendahan ang Konstitusyon.

“Hinihintay natin iyong desisyon diyan tungkol sa kung tama ba o hindi at kung ang sabi ng Korte Suprema in the Constitution iyong batas, then we will have to go the amendment of the Constitution tungkol sa public utilities,” aniya.

Sa kasalukuyan 60 porsyento ng isang public utility ay dapat pagmamay-ari ng mga Pilipino.