Atty. Jeff Coronel

Ang Inday ng Bagong Pilipinas

Jeff Coronel Mar 14, 2022
274 Views

Ang pamamayagpag ni Mayor Sara Duterte sa mga surveys at ang mainit na pagsalubong ng mga tao na nasaksihan sa katatapos lamang na Mahalin Natin ang Pilipinas Ride ay may dahilan. Ang tayog ng popularidad ng alkalde ay tanda ng kagustuhan ng sambayanan na ipagpatuloy ang nasimulang mga pagbabago ni Pangulong Rodrigo Duterte, at ang pagkasabik sa klase ng pamumuno na dama ng bawat Pilipino.

Ilang dekada matapos ang EDSA, uhaw ang mga Pilipino sa isang lideratong iba sa nakasanayan. Radikal na pagbabago sa lipunan at pagtataas ng kalidad ng serbisyo publiko. Ilang dekada ng mga pangakong hindi tinupad at propagandang paasa ang tiniis at kinagisnan ng sambayana. Habang ang ekonomiya ay bumababa, habang ang Pilipinas ay dahan-dahang naiwan ng mga bansang nasa ASEAN, habang tumatayog ang asenso sa mga kalapit bansa, ang Pilipino ay patuloy pa ring umasa.

Ang administrasyon ni PRRD ang nagbago nga depinisyon ng pamumuno. Binayo man ng mga bagyo, lindol, at ng pandemya; nananatiling mataas ang tiwala ng tao sa pamumuno ng president. Itinaas ni PRRD ang batayan ng pagiging lider ng Pilipinas.

Marahil sa kadahilanang ito na pinipili ngayon ng nakararami si Mayor Inday. Marahil ay may takot sa puso ng mga Pilipino na ipagkatiwala muli ang bansa sa mga taong maaaring magbalik sa atin sa simula. Ang tawag ng sambayanan ay ang pagpapatuloy ng nasimulan ni Presidente Duterte at walang ibang may kakayahang gawin ito ng may paggalang kundi ang anak nitong si Inday.

Nang ipinagkatiwala ni PRRD ang Davao kay Inday, naging mas maunlad ang siyudad at patuloy pang lumalago ang ekonomiya nito. Mataas ang tiwala ng publiko at pribadong sektor sa kanyang pamumuno, na hindi binigo ng alkalde. Gumawa ng pangalan ang Davao sa pandaigdigang komunidad. Naging destinasyon, hindi lamang nga mga turista, kundi ng mga opisyal ng ibang bansa at mga mamumuhunan.

Sa Davao, makikita ang mabilis na positibong pag-unlad—mula sa imprastraktura hanggang sa kalidad ng pamumuno at serbisyo publiko. Nasaksihan ng mga Dabawenyo at mga karatig bayan ang pag-usbong ng makabagong Davao—Isang pandaigdigang siyudad na puno ng paglago at oportunidad.

Sa pagtakbo ni Inday bilang bise-presidente, marami ang nadismaya. Ngunit hindi tuluyang naglaho ang pag-asa ngb tuloy-tuloy na pagbabago. Ang pagendorso niya kay Ferdinand Marcos ay Nakita ng nakararami bilang patunay sa totoong kalidad ni Inday sa pagiging lider. Ang kanyang pahayag na hindi sa lahat ng panahon tayo ang dapat mauna, at pagdidiin na minsan ang pagiging lider ay ang pagbibigay suporta sa mas karapat-dapat mamuno, ay pagpapahayag ng isang totoong Pilipinong may malasakit sa Pilipinas. Isang lider na hindi nasisilaw ng posisyon at kapangyarihan. Isang lider na nag-iisip, at isang lider na handang gawing ikalawa ang sarili para sa bayan.

Ang mga ganitong Inday sa lipunang uhaw sa katanyagan ay kapangyarihan ay iilan lamang. Ang mga Inday ng Bagong Pilipinas na isinasantabi ang sarili at buong pusong sumusuporta sa iba ay iilan lamang. Ang mga Inday na buong tapang na humaharap sa batikos at patuloy na nagpapakumbaba sa harap ng pagiging tanyag ay iilan lamang.

Kung nabago ni PRRD ang depinisyon ng pagiging Pangulo ng Republika ng Pilipinas, si Inday Sara ang magbabago ng depenisyon ng pagiging pangalawang pangulo. Isang Bise-Presidente na may buong tiwala at katapatan sa bandila, handang maglingkod sa kanyang pangulo lalo na sa kanyang sambayanan. Isang bise-presidente na hindi lamang reserbang lider kundi isang bise presidente na may ambag, nagsusumikap, at nakikipagtulungan sa buong hanay ng pambansang pamahalaan upang ibigay sa mga Pilipino kung ano ang dapat.

Si Inday Sara ang Inday ng Bagong Pilipinas. Isang Pilipinas na tinatalikuran ang lahat ng bagay na nagsasadlak sa nakararami sa hirap. Isang Pilipinas na tapos na sa pagiging third world country. Isang Pilipinas na nararapat at mas ipagmamalaki pa ng bawat Pilipino.

Sabay-sabay nating dalhin ang Inday ng Bagong Pilipinas.