Calendar
Valeriano: Nakakasagabal na proyekto kailangan para PH umunlad
AMINADO ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na nagdudulot ng matinding problema at sakit ng ulo para sa mga motorista ang mga nakakasagabal na infrastructure projects sa mga lansangan sa Metro Manila.
Binigyang diin ni Valeriano na hindi maaaring ipahinto ang mga isinasagawang infrastructure projects ng gobyerno tulad ng MRT stations, Subway stations, pakukumpuni ng mga kalasada at iba pang proyekto sapagkat kinakailangan ang mga ito para sa pag-unlad ng Pilipinas.
Sinabi ni Valeriano na ang tanging magagawa na lamang upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila dulot ng mga nakaka-abalang infrastructure projects ay ang hilingin sa Department of Public Works and Higways (DPWH) na tapusin agad ang mga nasabing proyekto.
Sabi pa ng kongresista, hindi maaaring hindi gawin ang mga infrastructure projects sa kabila ng malaking abala at delay na idinudulot nito sa mga motorista dahil hindi uunlad ang ating bansa kung walang mga proyektong tulad nito na magbibigay ng karangalan para sa Pilipinas.
“Kailangang tapusin kaagada ang mga proyektong ito para hindi sila maka-abala. Pero yung project kasi hindi naman maaaring hindi gawin, siguro may kaunting delay lang talaga. Pero kailangan din natin kasi ang mga projects na ito gaya ng mga sirang kalsada at iba pang projects,” sabi ni Valeriano.
Ipinaliwanag din ni Valeriano na kahit saan man bansa ang “mass transport” ang priority ng gobyerno. Kaya ganito din aniya ang ginagawa ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para makatulong sa mga mamamayan sa gitna ng matinding problema sa transportasyon.
“Kung ipapahinto naman natin ito nakakahinayang. Kasi kahit saan ka man magandang bansa magpunta yung mass transport nila ang priority ng kanilang gobyerno ito rin ang priority projects ng Marcos administration,” sabi pa ni Valeriano.