bro marianito

Huwag hayaang masira ang kinabukasan ng kabataan

268 Views
Birhen
Ang Mahal na Birhen at sanggol na napapaligiran ng mga Holy Innocents. Painting ni Peter Paul Rubens sa Museum of Louvre-Lens.
Source: Wikipedia

Maraming kabataan ang nasisira at namamatay ang kinabukasan (Mt. 2:13-18) 

ANG kinabukasan ng ating bansa ay nakasalalay sa kamay ng ating mga kabataan.

Kaya habang bata pa lamang ay hinuhubog na sila upang maging isang huwaran.

May mga kabataan naman ang kinikilala at pinaparangalan sa iba’t-ibang larangan dahil sa kanilang talento.

Subalit papaano kung may mga kabataan ang napapariwara dahil sa kagagawan ng mga matatanda na dapat sana ay sila ang gumagabay sa mga kabataan.

Sa ating Ebanghelyo ngayon (Matthew 2:13-18) sa buwan ng Disyembre, ginugunita natin ang “The Holy Innocents” o mga inosenteng sanggol na walang awang pinapatay ni Haring Herodes mula dalawang taon gulang pababa dahil sa paghahanap niya sa bagong panganak na Mesiyas na si Jesus.

Galit na galit si Haring Herodes nang malaman niyang napaglalangan siya ng tatlong Haring Mago na dumalaw sa Jerusalem upang makita ang Mesiyas na si Jesus, ang kaisa-isang anak ng Diyos.

Kaya sa galit ni Herodes, ipinag-utos niya sa kaniyang mga alagad na ipapatay ang lahat ng mga sanggol na may ganoong edad batay sa panahong sinabi ng tatlong Haring Pantas.

Tumangis at dumanak ang dugo ng mga inosenteng sanggol sa Jerusalem bunsod ng kasakiman ni Haring Herodes sa kapangyarihan dahil inaakala niyang ang isinalang na Hari ng mga Judio na si Jesus ang Haring aagaw sa kaniyang Trono.

Subalit ang pagka-Hari ni Jesus ay hindi isang Hari na mauupo sa kapangyarihan kundi espirituwal na magliligtas sa mga naliligaw na tupa ng Israel.

Ito ay para tubusin tayo sa lahat ng ating mga kasalanan.

Sa ating Pagbasa, maraming inosenteng sanggol at kabataan ang nasira ang kinabukasan dahil sa labis na pagkagumon ni Herodes sa kapangyarihan at kaniyang sariling ambisyon.

Sa kasalukuyang panahon, maraming kabataan ang nabubuhay subalit namamatay naman ang kanilang kinabukasan dahil sa kawalang malasakit ng mga nakakatanda.

May mga kabataan tayong makikita sa mga lansangan ang palaboy-laboy, sumisinghot ng ruggby, nagdo-droga, ginagawang courier ng shabu at sa murang edad ay itinutulak para magbenta ng panandaliang kaligayahan.

Bagama’t hindi tulad noong panahon ni Haring Herodes na buhay ang ibinuwis ng mga inosenteng kabataan.

Gayunpaman, ang magandang kinabukasan naman nila ang nako-kompromiso at namamatay dahil sa halip na sila ay magabayan ay mistulang bingi at bulag mga taong dapat na pumapatnubay sa kanila.

Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo na dapat tularan natin sina Jose at Maria na iningatan ang sanggol na si Jesus matapos magbigay ng babala at magpakita sa panaginip ang Anghel kay Jose.

Kailangan nating ingatan at pangalagaan ang mga kabataan partikular na ang ating mga anak upang huwag silang mapahamak.

Huwag nating hayaang masira ang kanilang kinabukasan. Sikapin natin mailayo sila sa banta ng peligro gaya ng ginawa nina Jose at Maria sa kanilang anak na si Jesus.

MANALANGIN TAYO: 

Panginoon tulungan mo po ang mga kabataan na magsilbing pag-asa at liwanag ng aming bansa. Nawa’y patnubayan niyo po sila na mailayo sa anumang mga banta na maaaring sumira ng kanilang kinabukasan.

AMEN