Madrona

Partnership ng DOT sa IA at AFP, pinapurihan ng Committee on Tourism

Mar Rodriguez May 29, 2024
129 Views

PINAPURIHAN ng chairman ng House Committee on Tourism na Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang naging hakbang ng Tourism Department matapos selyuhan ang pakikipag-partnership nito sa Intramuros Administration at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi ni Madrona na layunin ng binuong partnership na pagsamahin ang tinatawag na “military heritage at cultural heritage” sa Intramuros o mas kilala bilang “Walled City” matapos ang ginawang inauguration ng bagong headquarters ng 1304th Ready Reserve Infantry Battalion (RRIBn).

Ayon kay Madrona, ang pangunahing layunin ng pagtatalaga ng RRIBn sa Cuartel de Sta. Lucia sa loob ng “Walled City” ay para maprotektahan at mapangalagaan ang mga turistang bumibisita at namamasyal sa Intramuros. Kung saan, ibinabalik din nito ang dating tradisyon noong panahon ng mga Kastila.

Ipinaliwanag din ni Madrona na binibigyan ng “highlight” sa nabuong partnership ang “collaboration” sa pagitan ng military heritage at cultural tourism na naglalayong gawing ligtas ang Intramuros bilang historical site para sa mga bumibista o namamasyal na lokal at dayuhang turista.

Sabi pa ng kongresista, malaking porsiyento ng mga turista ang nagpupunta o bumibisita sa Intramuros matapos maitala noong nakaraang taon (2023) ang tinatayang nasa 4,294,572 turista na nagtungo sa nasabing lugar. Kung saan, nakalikom naman ang pamahalaan ng P124,460,699.92 bilang revenue.

Kasabay nito, ikinalugod din ni Madrona ang nominasyon ng Intramuros bilang nangungunang Tourist Attraction sa Asia sa ginanap na London-based World Travel Awards 2024.