Spa CAUGHT IN THE ACT–Ginagabayan ni Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga nailigtas palabas ng sinalakay na wellness spa habang sa isang litrato makikita ang customer at kawani na nahuli sa akto ng pagtatalik.

Spa na may extra service ni-raid

Edd Reyes Jun 9, 2024
170 Views

HULI sa akto ng pakikipagtalik sa kanyang customer ang babaeng “therapist” sa wellness spa sa Pasay City noong Sabado.

Sina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at Pasay police chief P/ Col. Samuel Pabonita ang nanguna sa raid sa Relaxense Sircon Wellness Spa sa F.B. Harrison St., Brgy. 26, dakong alas-10:30 ng gabi bunga ng mga sumbong hinggil sa pag-aalok ng “extra service” ng ilang therapist sa kanilang customer kapalit ng karagdagang bayad.

Kapwa hubo’t hubad ang customer at ang “therapist” ng pasukin ng mga tauhan ng Station Intelligence Section, Investigation Section ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ang spa kasama ang mga kinatawan ng City Social Welfare Development (CSWD) at Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO).

Ayon kay Mayor Emi, nailigtas ang tatlong babae at dalawang lalaki na nagtatrabaho bilang therapist habang inaresto ang 29-anyos na cashier na si alyas Clarrise.

Nakuha ng raiding team ang isang kahon ng condom na posibleng ibinebenta sa mga customer na kumakagat sa alok na pakikipag-sex ng masahista.

Iniutos na rin ni Mayor Emi ang pagpapasara sa wellness spa bunga ng maraming paglabag, kabilang ang kawalan ng mayor’s permit at business permit na dapat naka-display sa harap ng establisimyento.

Ayon kay Col. Pabonita, sasampahan nila sa Pasay City Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa R.A. 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act ang naarestong kahera, pati na ang may-ari ng spa na si alyas Raymond na wala roon ng mag-raid.