Calendar
Palpak ang PAOCC sa Porac
NAPAKAGULO ng nangyayari ngayon sa Porac, Pampanga, kung saan ni raid ng magkasanib na pwersa ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police (PNP) ang Lucky South 99 Outsourcing Corporation. Hitik sa pagkakamali at paglabag sa konstitusyon ang mga aksyon ng PAOCC.
Noong Hunyo 4, 2024, sinalakay ng PAOCC at PNP ang Lucky South 99 gamit ang search warrant na ipinalabas ni Judge Maria Belinda Rama ng Malolos Regional Trial Court Branch 14. Di nagtagal, binawi agad ng husgado ang naturang search warrant dahil kulang ang detalye kung ano ang hinahanap ng PAOCC-PNP.
Ang masama nito, naisakatuparan na ng PAOCC ang pagsalakay sa naturang POGO, at inaresto ang mga dayuhang mamamayan na pinaghihinalaang sangkot sa mga iligal na gawain.
Ang paglabag sa konstitusyon ay seryoso. Ang Artikulo III, Seksyon 2 ng Konstitusyon ng Pilipinas ay nagpoprotekta sa bawat isa laban sa mga hindi makatwirang paghahanap at pagsamsam. Ang epekto nito ay matindi: Anumang ebidensiyang nakuha mula sa isang iligal na paghahanap ay hindi katanggap-tanggap sa korte.
Dahil nabawi na ang search warrant, ang ginawang pagpasok at pagsalakay noong Hunyo 4 ay mali. Hindi maitatago na napasok ng PAOCC at PNP ang lugar. Hindi maikakaila na may mga hinuling dayuhan.
Ang tanong ay ano ang ginagawa ng mga dayuhan noong sila ay hinuli? Ayon sa balita, sila lamang ay nasa lugar, maaring papasok sa trabaho. Ayon kay Winston Casio, tagapagsalita ng PAOCC, meron daw nagaganap na torture at pagbebenta ng laman sa loob ng POGO. Pero noong kanilang pasukin, wala naman nagaganap na torture at pagbebenta ng laman. Bakit may mga inaresto?
Nakakalito at nakakapanlumo.
Nang napagtanto na nila na may problema ang kanilang search warrant, sinubukan ng PAOCC na ayusin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng pangalawang search warrant mula sa korte sa San Fernando, Pampanga. Ipinapatupad na sa ngayon ang pangalawang search warrant.
Gayunpaman, kontrolado na ng PAOCC ang lugar ng tatlong araw. Ito ay nagdudulot ng seryosong mga katanungan tungkol sa integridad ng anumang ebidensiyang makukolekta sa bisa ng pangalawang search warrant. Ang pangalawang search warrant ay hindi maaaring gawing lehitimo ang isang naunang iligal na paghahanap. Ang taktika na ito ay lalo lamang nagpapakita ng pagwawalang-bahala ng PAOCC sa wastong pamantayan.
Ang mga aksyon ng PAOCC ay nagpapakita ng malubhang pang-aabuso sa kapangyarihan at lantad na paglabag sa mga karapatang konstitusyonal. Ang kanilang unang pagsalakay ay batay sa isang depektibong warrant, at ang kanilang mga sumunod na pagsisikap na gawing lehitimo ang kanilang mga aksyon gamit ang isang karagdagang warrant ay isang malinaw na pagtatakip sa kanilang maling gawain.
Dahil sa pagkakamali na ito, maaring madungisan ang ebidensya na kanilang nakalap. Inilagay ng PAOCC sa panganib ang anumang potensyal na ligal na paglilitis laban sa Lucky South 99. Ang kapalpakan na ito ay nagpapakita ng mabigat na isyu sa loob ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas—ang pagwalang-galang sa mga proteksyon ng konstitusyon at proseso ng batas.