Martin

Speaker Romualdez pinarerepaso kasunduan para mas madaling makapasok agri product ng PH sa Japan

90 Views

UMAPELA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na repasuhin ang Philippines-Japan Economic Agreement (PJEPA) upang mabawasan, kung hindi man tuluyang maaalis, ang taripa na ipinapataw sa produktong agrikultural ng Pilipinas na ibinebenta sa Japan.

Ginawa ng lider ng Kamara de Representantes ang apela sa kanyang pakikipagpulong sa mga mambabatas ng Japan na bahagi ng Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society (PJPFS), na pinangunahan ni Chairman Hiroshi Moriyama, isang miyembro ng House of Councilors, National Diet, na isinagawa sa parliamentary building ng Japan noong Martes ng hapon.

“We believe that a review of the [PJEPA], especially after the recent trilateral agreements, would show support and solidarity. This request aligns with our past efforts and aims to foster a better and more conducive relationship between our countries,” sabi ni Speaker Romualdez sa mga opisyal ng PJPFS.

Umaasa si Speaker Romualdez na ang gagawing pagrepaso ay magpapaganda sa termino ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas, partikular ang saging.

Sinabi ni Speaker Romualdez na bumaba ang market share ng saging ng Pilipinas sa Japan, mula 80 porsyento ay bumaba sa 78 porsyento.

Nais ng Pilipinas na maparami pa ang produktong agrikultural ng bansa na naibebenta sa Japan, na isa sa pinakamalaking importer ng agricultural product sa mundo.

Ang target ay makapag-export ang Pilipinas sa Japan ng isda at mga tropical fruits gaya ng pinya, avocado, mangga, durian, mangosteen, at okra.

Kinilala rin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng Japan sa Pilipinas, na ikalawa sa pinakamalaking trade partner nito bukod pa sa pagiging pangunahing pinanggagalingan ng Official Development Assistance (ODA).

Ayon sa lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan, nang magsimula ang COVID-19 pandemic ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa ay bumaba ng 12 porsyento.

“This decline is not necessarily due to specific circumstances but rather the pandemic and current regional conditions,” ani Speaker Romualdez.

Tinanggap naman ni Chairman Moriyama, isang dating agriculture minister, ang kahilingan na repasuhin ang PJEPA.

Nagpahayag ng pag-aalala si Philippine Ambassador to Japan Mylene Garcia-Albano, na kasama rin sa pagpupulong, sa malaking pagbaba sa ini-export na saging ng Pilipinas sa Japan sa mga nakalipas na taon.

“The majority of our banana exports come from our region. We are very concerned with the decline in banana exports to Japan,” ani Ambassador Garcia-Albano, isang dating kongresista mula sa Davao City.

“We hope that with the general review of PJEPA, we can address the differences in tariffs imposed on bananas, aiming to level the playing field with other countries like Vietnam, which enjoys a zero percent tariff,” sabi pa ng Ambassador.

Ayon kay Chairman Moriyama ang pagtugon sa mga hamong ito ay posibleng mas maging competitive ang saging ng Pilipinas sa merkado ng Japan.

Bagamat ang Pilipinas at Japan ay bahagi ng Regional Comprehensive Economic Partnership, ang PJEPA ay nakikita na mas epektibong plataporma upang tugunan ang naturang isyung pangkalakalan.

Ang panawagan ni Speaker Romualdez na repasuhin ang PJEPA sa pagbisita nito sa Tokyo ay isa umanong pagpapakita ng seryosong suporta nito upang mapalago ang lokal na sektor ng agrikultura at mapalakas ang pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa Japan.

Kumpiyansa ang lider ng Kamara na magiging paborable sa Pilipinas ang magiging tugon ng Japan lalo at “all-time high” ang bilateral relasyon ng mga ito ngayon matapos ang makasaysayang trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, Japan, at Amerika noong Abril.

Si Chairman Moriyama ay sinamahan ng iba pang miyembro ng Japan Parliament kabilang sina Vice Chairman Shinsuke Okuno, Director General Hirofumi Ryu, Secretary General Taku Otsuka, Deputy Secretary General Yamato Aoyama, at Executive Directors Kuniko Inoguchi, Rui Matsukawa, Kaname Tajima, Hideki Miyauchi, at iba pa.

Bahagi naman ng delegasyon ng Pilipinas sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon C. Taas, at iba pang opisyal ng Kamara.