Madrona

Buhay na buhay ulit ang turismo ng Pilipinas – Madrona

Mar Rodriguez Jun 28, 2024
114 Views

“𝗣𝗛𝗜𝗟𝗜𝗣𝗣𝗜𝗡𝗘 𝘁𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 𝗶𝘀 𝗯𝗮𝗰𝗸 𝗶𝗻 𝗯𝘂𝘀𝗶𝗻𝗲𝘀𝘀.”

Ito ang buong kagalakang ipinahayag ng chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona matapos iulat ng Department of Tourism (DOT) na tinatayang P509 billion ang naging “tourism investments” sa bansa noong 2023.

Sabi ni Madrona, mismong si Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco ang nagbalita na ang nabanggit na halaga o amount ay higit na mataas ng 34% kumpara sa natamong tourism investment na nasungkit noong 2022.

Pagdidiin ni Madrona, ang pinaka-pangunahing dahilan kung bakit umarangkada o sumikad ng husto ang tourism investments sa Pilipinas ay bunsod ng sektor ng accomodation o yung mga turistang nagpapa-book sa mga hotel, resorts at iba pang lugar sa bansa. Kung saan, ito’y pumalo ng 51%.

“Ang pinaka-main contributor talaga dito ay ang accomodation sector. Dahil sa kanila, nakamit natin ang 51% of the total. So maganda na ang itinatakbo ng ating turismo,” ayon kay Madrona.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na ang isa rin kung bakit sumikad ng husto ang “accomodation sector” ay dala narin ng napaka-husay na promotion ni Frasco para sa turismo ng Pilipinas hindi lamang para sa mga lokal na turista bagkos maging mga dayuhan.

Ayon pa kay Madrona, dito rin pinatutunayan na napaka-laki ng nagagawa ng Philippine tourism para maiangat ang pamumuhay ng napakaraming mamamayan na umaasa sa turismo ng bansa sa pamamagitan ng job creation o ang pagkakaroon ng mga trabaho.

Sinabi pa ng mambabatas na hinihikayat din ng Tourism Department ang mga foreign investors na maglagak ng puhunan para sa tourism sector dahil sa napakagandang oportunidad at potensiyal na maaaring maibigay nito sa aspeto ng pamumuhunan lalo na para sa mga negosyong tulad ng hotel, restaurants at resorts.

“Kapag napalakas natin ang mga investements para sa Philippine tourism. Ito ay nangangahulugan ng napakagandang oportunidad para sa ating mga kababayan dahil mangangahulugan ito ng mga trabaho para sa kanila,” pagtatapos ni Madrona.