Chiz

Protektor ng POGO pangalanan na!

86 Views

SINABI ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na oras na para alisin ang maskara ng mga nasa likod at protektor na humihiling na palawigin pa ang lisensya at operasyon ng mga diumano’y iligal na Philippine offshore gaming operation (POGO).

Sinabi ng senador na napapanahon na para ilahad ang katotohanan kung sino ba talaga ang mga protektor at tagapagtanggol ng mga POGO, sa pamamagitan ng pagturan kung sino ang taong ito.

Batay ang reaksyon ni Escudero sa naunang paglalahad ng pinuno ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isang dating kalihim ang nasa likod umano ng pagkumbinsi sa kanila para mapalawig pa ang operasyon ng mga iligal na POGO.

Para kay Escudero, napapanahon na para pangalanan ang taong ito.

Hinimok din ng pangulo ng Senado sina Sen. Risa Hontiveros, chair ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, kasama na si Sen. Sherwin Gatchalian na siyang may akda ng resolusyon na imbestigahan ang POGO sa Senado ng mas malalim.

“Find out if he/she violated any laws,” ayon kay Escudero.

Ito rin ang panawagan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel at sinabing dapat maipakita ang mukha ng taong nagbibigay proteksyon sa mga iligal na POGO.

“To be fair to all former Cabinet members, PAGCOR should reveal the identity of this person, also so that he or she can defend him or herself, too,” giit ni Pimentel.

Aminado naman si Hontiveros na sadyang batid niya na may mga posibleng protektor na nasa likod ng POGO.

“Whoever that ex-Cabinet official turns out to be, the fact remains: POGOs are being used as a legal cover for scam hubs,” ani Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, napatunayan na ng imbestigasyon sa Senado na kahit pa ang may ligal na lisensya mula mismo sa PAGCOR may mga criminal activities rin na nangyayari sa POGO.

“Kaya huwag ng ibahin ng PAGCOR ang illegal POGO sa legal na POGO. Ang buong industriya sanhi ng sangkatutak na krimeng nagpapahamak sa kababaihan, kabataan at pinaka-vulnerable sa lipunan,” paliwanag ng senadora.

Pabor din si Senador Joel Villanueva na dapat pangalanan na ang misteryosong opisyal.

“Pangalanan na ‘yan! Wala naman po tayo sa showbiz kaya hindi naman kailangan magpa-blind item. Kailangan pong malaman ng taumbayan ang katotohanan at panagutin ang mga nagtutulak sa bayan sa kumunoy ng kaguluhan,” ani Villanueva.