First Border Source: FB file photo

Agarang pagpapatupad ng ‘first border’ measures nararapat

Cory Martinez Jul 2, 2024
87 Views

NARARAPAT na ang agarang pagpapatupad ng ‘first border’ measures sa bansa matapos ang naitalang unang kaso ng Q fever sa mga imported na kambing mula sa Amerika at ang patuloy na pagpupuslit ng mga produktong agrikultura.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., matitiyak ng naturang hakbang ang food safety at ang pagpigil sa pagpasok ng mga peste sa halaman pati na rin ang ibang sakit ng mga hayop na pandagat.

Ibinunyag ni Tiu Laurel na magsisimula na sa isang taon ang operation ng isa sa limang Cold Examination Facility for Agriculture (CEFA), isang pasilidad para sa sanitary/phytosanitary inspection para sa mga imported na hayop.

Kinumpirma din ni Tiu Laurel na kasalukuyang nang itinatayo ng mga pribadong kontraktor ang isang CEFA sa Angat, Bulacan samantalang binibili na ang mga kagamitan para dito, upang matupad ang operational timeline nito.

“We expect the Angat CEFA to be operational by January or February next year,” ani Tiu Laurel.

Dagdag pa ng kalihim na nakaumang na ang mga plano sa apat pang CEFA sa Setyembre 2025 sa Manila, Subic, Davao at General Santos City.

Sinabi pa ni Tiu Laurel na magkakaroon lamang ng mga laboratoryo ang mga CEFA sa Angat at General Santos City na pinondohan ng DA samantalang magkakaroon naman ng komprehensibong pasilidad sa mga major port at fish port kabilang na ang Manila International Container Terminal, Subic Bay International Corporation, Davao International Container Terminal, Manila South Harbor, New Cebu International Container Port, Batangas International Port, Navotas Fish Port, Iloilo International Container Port at Misamis Oriental.

Noong isang taon, ang orihinal na pondong nakalaan para sa CEFA project ay umaabot sa P2.3-bilyon subalit ito ay nabawasan ng P1.2-bilyon sa kasalukuyang taon dahil sa alay ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) na siyang mamamahala karamihan sa mga pasilidad at mga lokal na daungan na nakalista sa kanilang kompanya.

Ayon pa kay Tiu Laurel, bago magsimula ang operasyon ng mga CEFA, magpapatupad ang ahensya ng pre-shipment inspection sa mga daungan.

“Before these facilities become operational, we will issue an administrative order on pre-shipment inspection, pending approval from the Department of Finance,” paliwanag pa ni Tiu Laurel.

Inaasahan ni Tiu Laurel na ipapatupad ang pre-shipment inspections sa loob ng tatlong buwan upang mapaigting ang food safety measures at masawata ang pagpupuslit ng mga produktong agrikultura na siyang nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka at sa kalusugan ng publiko.