Barbers

Total ban ng POGO iminungkahi ni Barbers

Mar Rodriguez Jul 3, 2024
96 Views

PARA 𝗸𝗮𝘆 𝗦𝘂𝗿𝗶𝗴𝗮𝗼 𝗱𝗲𝗹 𝗡𝗼𝗿𝘁𝗲 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗯𝗲𝗿𝘁 𝗔𝗰𝗲 “𝗔𝗹𝗮𝘀” 𝗦. 𝗕𝗮𝗿𝗯𝗲𝗿𝘀, 𝗱𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗻𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗴𝗸𝗮𝗿𝗼𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝘁𝗼𝘁𝗮𝗹 “𝗯𝗮𝗻” 𝗼 𝘁𝘂𝗹𝘂𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗽𝗮𝗴𝗯𝗮𝘄𝗮𝗹 𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗢𝗚𝗢 𝗹𝗲𝗴𝗮𝗹 𝗺𝗮𝗻 𝗼 𝗶𝗹𝗹𝗲𝗴𝗮𝗹.

Sa ginanap na press conference sa Quezon City, binigyang diin ni Barbers na masyado ng napakahaba ng listahan ng mga kasong kinasasangkutan ng POGO kabilang na dito ang talamak at lantarang bentahan ng illegal na droga na pawang mga Chinese nationals ang nasasangkot o nasa likod nito.

Iginiit ni Barbers na napapanahon para tuldukan ang pamamayagpag ng operasyon ng POGO sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapatupad ng gobyerno ng total ban – illegal man o lisensiyado ang operasyon nito.

“Ako sa totoo lang, honestly. Mas magandang i-total ban natin both legal at illegal. Of cource yung illegal wala tayong control diyan kaya nga sila illegal. But yung legal, siguro its now hightime to stop allowing POGO operations in the counrty. Considering na ito’y illegal naman sa China, bakit dito sa Pilipinas ay pinapayagan natin? At hindi puwedeng gawing dahilan yung revenues o economic benefit that the country will get out of this POGO operations,” wika ni Barbers.

Ipinaliwanag ni Barbers na hindi maaaring ikatuwiran ang di-umano’y benepisyong maaaring makuha ng gobyerno mula sa operasyon ng POGO.

Pagdidiin ng kongresista, mas malaking perwisyo ang naidulot ng POGO operations kumpara sa di-umano’y pakinabang mula dito. Dahil sa POGO tumaas aniya ang kaso ng mga kidnapping, pagpatay, illegal drug sale o bentahan ng illegal na droga, lumaganap ang extortion, bribery, corruption at iba pang mga kahalintulad nito.

“Tandaan natin mas mahal, mas malaki yung social cost na nadadala nitong mga POGO industry na ito. Bakit? Tumaas ang kidnapping. Kini-kidnap nila kapwa Chinese nila, extortion – hinihingian nila ng pera, bribery, corruption andiyan,” dagdag pa ng mambabatas.

Dahil dito, sinabi ni Barbers na ang dating ipinangako ng POGO operations na magkakaroon ng mga trabaho para sa mga Pilipino at ang bilyong pisong revenues na makukuha ng gobyerno ay hindi nangyari. Kaya dapat lamang aniya na tuluyan ng ipagbawal o magkaroon ng total ban sa operasyon nito.