Calendar
Chiz: Guo ipapaaresto pag sa Senate hearing di dumalo
NAGBABALA si Senate President Francis “Chiz” Escudero na ipaaaresto niya si Bamban Mayor Alice Guo kapag hindi dumalo sa nakatakdang pagdinig ng Senado kaugnay ng imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sinabi ng senador na hindi pwedeng paikutin ng sinuman ang Senado.
Ayon kay Escudero, si Mayor Guo kasama ng iba pang mga binigyan ng Senado ng subpoena obligadong humarap sa pagdinig at hindi uubra at hindi palulusutin ang mga katwiran na trauma at mental health isyu nang walang kaukulan papeles mula sa doktor bilang katibayan.
“May mga doktor ang Senado para tiyakin ang kanyang kalusugan maging ito ay for mental reason or physical.
Handa tayong gampanan ang bagay na iyan upang matiyak ang anuman dahilan na gagamitin upang hindi makadalo sa mga pagdinig na isinasagawa dito,” ani Escudero.
Hindi rin kumakagat si Escudero sa katwiran ng mga abogado ni Mayor Guo na iaakyat nila sa Korte Suprema ang apela gamit ang “petition for certiorari.”
“Petition for Certiorari is invoking that one cannot testify against himself. Mayor Guo and other witness can invoke that during the hearing.
Pero kailangan maka attend siya. Even the Supreme Court acknowledges this. May precedent na yan sa SC,” sabi ni Escudero.
Nauna rito, kinumpirma ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms ang pagdala ng subpoenas sa suspendidong mayor ng Bamban, Tarlac gayundin sa kaniyang mga diumanoy kapatid, magulang at mga pinaniniwalaan kasama sa negosyo o incorporator para makadalo sa itinakdang pagdinig sa Hulyo 10.
Pinaalalahanan naman ni Sen. Pia Hontiveros si Mayor Guo na huwag magpalusot ng “trauma” at “paawa” na dahil hindi ito lulusot sa senadora.
Ayon kay Hontiveros, dapat maisip ni Mayor Guo ang mga biktima nila sa POGO na kanilang tino torture at binubugbog sapagkat lubhang nahirapan ang mga taon na nakaranas ng totoong trauma.
Pinaalalahanan rin ni Hontiveros si Mayor Guo na maging ang mga botante sa Bamban Tarlac sadyang nakaranas din ng trauma matapos makumpirma na ang isang tulad niya na Chinese national at hindi Pinoy nakuha pang tumakbo at nanalo at naging mayor pa ng kanilang bayan.
Sinabihan din ni Hotniveros si Mayor Guo na kung meron man siyang dapat sisihin sa lahat ng ito, walang iba kundi ang sarili niya.