MPBL

Davao, Valenzuela, Negros lusot

Robert Andaya Jul 10, 2024
200 Views

HUMIRIT ang Davao Occidental Tigers, Valenzuela Classics at Negros Muscovados ng mga magkaibang panalo sa pagpapatuloy ng aksyon sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Sixth Season sa Olivarez College Gym sa Parañaque.

Pinayuko ng Davao ang Parañaque Patriots, 75-73, sa tulong nina Arth Dela Cruz, Mark Tallo at Keith Agovida upang itala ang kanilang ika-11 panalo sa 16 laro sa prestihiyosong kumpetisyon na itinataguyod ni Sen. Manny Pacquiao.

Nanguna si Dela Cruz para sa Tigers sa kanyang 18 points, eight rebounds, six assists at two steals, kasunod sina Tallo na may 13 points, three rebounds at two steals, at Agovida na may 13 points.

Ang Parañaque, na bumaba sa 10-7 sa team standings, ay nakakuha ng 17 points at three rebounds mula kay Philip Manalang, 10 points at three rebounds mula kay JP Sarao, at nine points, 13 rebounds at three assists mula kay.John Uduba.

Si Jielo Razon ay may nine points sa tulong ng three triples.

Una dito, binigo ng Valenzuela Classics ang Sarangani Marlins, 73-64, habang winalis ng Negros Muscovados ang Rizal Xentromall Golden Coolers, 103-94.

Pinamunuan nina veteran JR Quinahan at Carl Bryan Lacap ang atake ng Valenzuela, na lumamang pa ng 18 puntos, 79-61, bago itala ang ika 10 panalo sa 18 laro.

Si Quinahan ay may 20 points at nine rebounds, habang si Lacap ay may 12 points at three blocks.

Umiskor si Ryan Isaac Sual ng 17 points para sa Marlins, na nalugmok pa sa 4-10.

Pinamunuan nina Jan Fomento (28 points), at Jonjon Gabriel (23 points, 15 rebounds, three assists, three blocks) ang Negros, na unarangkada hanggang 48-23 kalamangan bago sinungkit ang ika-pitong panalo kontra 10 talo.

Bumagsak ang Rizal sa 9-8 win-loss.

Tumatayong MPBL commissioner si PBA legend Kenneth Duremdes.