Frasco3

Paglaganap ng turismo bilang isa sa bread and butter ng PH ibinahagi

Jon-jon Reyes Jul 13, 2024
171 Views

Frasco4LUMAGO ang domestic tourism expenditure ng 72.3 porsyento mula sa P1.55 trilyon noong 2022 sa P2.67 trilyon noong 2023, ayon sa Department of Tourism (DOT).

Ito ang lumabas sa Philippine Tourism Satellite Accounts (PTSA) at Tourism Statistics Dissemination Forum sa Philippine International Convention Center.

Inihayag ng pinakahuling PTSA na noong 2023 na umabot sa 8.6 porsyento ang bahagi ng Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) sa ekonomiya ng Pilipinas na katumbas ng P2.09 trilyon na nagmamarka ng 47.9 porsyentong pagtaas mula sa P1.41 trilyon noong 2022.

Tumaas din ng 10.0 percent ang outbound tourism expenditure mula P189.29 billion noong 2022 hanggang P208.25 billion noong 2023. Sa pangkalahatan, ang internal tourism expenditure, na kinabibilangan ng inbound at domestic expenditures, tumaas ng 75.3 percent mula P1.92 trilyon noong 2023.

Binigyang-diin ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na ipinakita ng pagtaas ng kontribusyon ng tourism sector ang paglaganap ng turismo bilang isa sa mga “bread and butter” ng Pilipinas.

“Ang pagtaas ng gastusin sa turismo malaki ang naiambag sa ating ekonomiya. Ipinapakita na ang turismo ng Pilipinas ngayon isa sa pinakamatibay na haligi ng ekonomiya ng Pilipinas,” dagdag ni Frasco.

Ibinunyag pa ng ulat ng PTSA na ang trabaho sa turismo tinatayang nasa 6.21 milyon noong 2023, mas mataas mula sa 5.84 milyong trabaho noong 2022.

Ang bilang na ito napakalapit na sa 6.4 milyong inaasahang trabaho para sa 2028 sa ilalim ng National Tourism Development Plan.

“Ang tagumpay na ito ng turismo ng Pilipinas binibigyang-diin ang kapasidad ng sektor na lumikha ng makabuluhang mga oportunidad sa kabuhayan na nagtutulak ng inklusibong paglago at tinitiyak na walang maiiwan sa pag-unlad ng ating bansa.

Ang mga istatistikang ito hindi lamang mga numero. Sila ang pundasyon kung saan itinatayo natin ang ating mga inisyatiba sa pagpapaunlad ng turismo at hinuhubog ang kinabukasan ng ating industriya,” pagtatapos ng kalihim.