Cong. Eleandro Jesus

𝗩𝗶𝘀𝗮 𝘄𝗮𝗶𝘃𝗲𝗿 𝗻𝗴 𝗗𝗢𝗧 𝗮𝘆 𝗗𝗢𝗝 𝗶𝗸𝗶𝗻𝗮𝗴𝗮𝗹𝗮𝗸 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺

Mar Rodriguez Jul 20, 2024
107 Views

𝗜𝗞𝗜𝗡𝗔𝗚𝗔𝗟𝗔𝗞 𝗻𝗴 c𝗵𝗮𝗶𝗿𝗺𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗛𝗼𝘂𝘀𝗲 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘁𝘁𝗲𝗲 𝗼𝗻 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 𝗻𝗮 𝘀𝗶 𝗥𝗼𝗺𝗯𝗹𝗼𝗻 𝗟𝗼𝗻𝗲 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗘𝗹𝗲𝗮𝗻𝗱𝗿𝗼 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀 “𝗕𝘂𝗱𝗼𝘆” 𝗙. 𝗠𝗮𝗱𝗿𝗼𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝗻𝗶𝗹𝘂𝗻𝘀𝗮𝗱 𝗻𝗮 𝗽𝗿𝗼𝗴𝗿𝗮𝗺𝗮 𝗻𝗴 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗧𝗼𝘂𝗿𝗶𝘀𝗺 (𝗗𝗢𝗧) 𝗸𝗮𝘀𝗮𝗺𝗮 𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗝𝘂𝘀𝘁𝗶𝗰𝗲 (𝗗𝗢𝗝) 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 “𝗩𝗶𝘀𝗮 𝗪𝗮𝗶𝘃𝗲𝗿”.

Ayon kay Madrona, maituturing na isang malaking instrumento ang inilunsad na “Visa Waiver” upang lalong mahikayat ang mga napakaraming dayuhan na bumisita at magtungo sa Pilipinas.

Naniniwala si Madrona na napakalaki ang maitutulong at magiging kontribusyon ng nasabing programa para mas lalong lumobo ang kita at ganansiya ng tourism sector, gayundin ang pagpasok ng malaking pera sa kaban ng pamahalaan.

Layunin ng programa na ma-streamline ng visa waiver ang pagpo-proseso ng mga visa para mas lalong maakit ang mga dayuhan na magpunta ng Pilipinas partikular na ang mga nasa international cruise ship.

Pagdidiin pa ni Madrona, kinakailangan talagang makapag-isip ng Tourism Department ng mga samu’t-saring paraan o programa upang lalong pasiglahin ang Philippine tourism para lubos na magamit ang potensiyal ng mga destinasyon sa bansa o ang mga lugar sa Pilipinas na kaakit-akit para sa mga dayuhang turista.