Speaker Romualdez Isinumite ni Budget Secretary Amenah Pangandaman kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panukalang P6.352 trilyon 2025 national budget sa turnover ceremony sa Romualdez Hall ng Kamara de Representantes umaga ng Lunes. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez tiniyak: Trabaho, edukasyon, kalusugan, social protection pangunahing pokus ng 2025 budget

Mar Rodriguez Jul 30, 2024
77 Views

TINIYAK ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang paglikha ng trabaho, pagkakaroon ng de-kalidad na edukasyon, mas magandang serbisyong pangkalusugan, at proteksyong panlipunan ang pangunahing paglalaanan ng pondo sa ilalim ng panukalang 2025 national budget.

Ito ang sinabi ni Speaker Romualdez sa turnover ceremony ng panukalang P6.352-trilyong badyet na ipinanukala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Kongreso para sa susunod na taon. Ang badyet at isinumite sa Kamara de Representantes ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.

“Ang badyet na Php 6.352 trilyon ay sumasalamin sa ating pangarap na mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez sa kaniyang mga kapwa mambabatas, budget officials, at ilan pang mga panauhin.

“Sa 2025 national budget na ito, inaasahan namin na ibubuhos natin ang pondo para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care,” ayon pa sa mambabatas.

“Malinaw ang misyon natin: Ang mabigyan ng trabaho, edukasyon, at alagang pangkalusugan ang bawat pamilyang Pilipino,” saad pa ni Speaker Romualdez, ang lider ang Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

Binanggit ni Speaker Romualdez na titiyakin din ng Kamara na mayroong sapat na pondo na ilalaan upang matulungan ang mga mahihirap na pamilya.

“Para sa amin dito sa House of Representatives, malakas din ang panawagan na madagdagan ang pondo para sa 4Ps ng DSWD at iba pang programang laan sa mga mahihirap nating kababayan,” ayon sa pinuno ng Kamara.

“Dapat na bigyan din ng sapat na tulong-pinansyal ang mga Pilipinong minimum wage earners sa ilalim ng AKAP (Ayuda Para sa Kapos ang Kita) program, lalo na sa panahon ng krisis na dala ng mga digmaan sa ibang bansa,” dagdag pa niya.

Muling iginiit ni Speaker Romualdez na masusing susuriin ng Kamara ang panukalang badyet upang matiyak na magagamit nang tama ang buwis ng mamamayan.

“As we receive this document today, we recognize the collective responsibility bestowed upon us as legislators to scrutinize, deliberate, and ensure that every peso is judiciously allocated and spent,” ayon pa sa kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

“Patuloy naming babantayan dito sa Kongreso ang paggastos ng mga pondong ito. Titiyakin namin na bawat pisong buwis ay maibabalik din sa mamamayan sa pamamagitan ng mga programa at proyekto,” ayon pa sa kongresista.

Sinabi ni Speaker Romualdez na bilang pinuno ng Kamara, sisiguraduhin niyang bawat sentimo ay mapupunta sa proyekto, programa, o mga gawaing na pinaglalaanan nito.

“Bilang inyong Speaker, ipinapangako ko ang patuloy na pagsusumikap upang matiyak na ang bawat sentimo ng badyet na ito ay mapupunta sa mga proyektong tunay na may pakinabang sa bawat Pilipino,” pagbibigay diin pa ni Speaker Romualdez.

Kumpiyansa rin ang mambabatas na sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsisikap ng executive at legislative branches, ay makakamit ang pambansang budget na hindi lamang tutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan kundi ay magiging daan din para sa mas maunlad at matatag na Pilipinas.

Pinasalamatan din ni Speaker Romualdez sina Pangulong Marcos Jr., Secretary Pangandaman, at ang Department of Budget and Management para sa kanilang pagsisikap at dedikasyon sa pagbuo ng isang badyet na naglalayong tugunan ang agarang pangangailangan ng ating mga mamamayan habang inihahanda ang pundasyon para sa pangmatagalang kaunlaran.

Isinumite ng Pangulo ang kanyang panukalang badyet para sa 2025, isang linggo pagkatapos ng pagbubukas ng ikatlo at huling sesyon ng Kongreso, mas maaga ng tatlong linggo sa itinakdang deadline ng Konstitusyon.

Nais ng Kamara na tapusin ang mga deliberasyon sa panukalang badyet bago ang unang bakasyon ng Kongreso sa Oktubre.