Louis Biraogo

Desperado at nagkaloko-loko ang kampo Robredo

771 Views

LeniMAKAKABANGON pa kaya ang kampanya ni Robredo sa halip ng wala ng nadadagdag sa botong nakukuha sa mga nagdaang pananaliksik sa pulso ng mga mamboboto (voter preference survey)? Si Robredo ay napapako sa 15%, humigit o kumulang, sa mga nahuling survey.

May nakikita akong pangunahing pagkakamali sa kampanya na ginagawa ng kampo Robredo. Una ay ang pagpili kay Bam Aquino bilang tagapamahala ng kampanya (campaign manager).

Bilang pulitiko, makikita natin ang imahe na inilalarawan ni Bam sa sarili niya ay ang imahe ng yumaong Ninoy Aquino (Ninoy), tiyuhin ni Bam. Dahil nga ang ginagayang imahe ni Bam ay ang imahe ni Ninoy, may natural na pagkiling si Bam sa salaysay ng labanang Ninoy at Marcos sa pulitika. Kaya seguro sa pamamahala ni Bam ay nagsimula ang kampanya ni Robredo sa salaysay na masasama ang mga Marcos at mabubuti ang mga Aquino (hanay ng dilawan at ni Robredo). Ang binitawan nilang layunin sa pangangampanya ay ang pigilan ang pag-upo ni Bong Bong Marcos (BBM) bilang Pangulo dahil siya’y anak ni Ferdinand E. Marcos (FM), na dating Pangulo at kalaban ng yumaong Ninoy.

Hindi nila isinali ang masang Pilipino sa layunin nila. Kahit kinagat kaagad ang salaysay na labanang Aquino at Marcos ng mga maka-kaliwa (CPP/NPA/NDF) at mayayamang mga hanay (class AB), tinalikuran naman ng mga mahihirap (class CDE) ang kampo Robredo dahil hindi sila kasali sa gayong salaysay.

Ang sigaw ng kampanya ng kampo Robredo na “ibagsak si Marcos” ay hindi umalingawngaw sa damdamin ng masang Pilipino. Hindi nila naintindihan papaano sila matutulungang maka-ahon sa kahirapan kung pagbagsakin (muli) ang mga Marcos samantalang nanatitili ang masa na lugmok sa kahirapan mula noong ipinatalsik si FM sa Malacañang noong 1986. Hindi lang iyon, marami ang naniniwala na mas mabuti ang kalagayan ng mga Pilipino noong si FM ang Presidente.

Noong napaupo si Rodrigo R. Duterte sa Malacañang bilang pangulo, isiniwalat niya na salot sa bansa ang Partido Liberal/Dilawan dahil sa kapalpakan at pangungurakot nito. Dahil nagsalita si Duterte – na hindi lang sikat sa hanay ng masang Pilipino, kundi mahal at pinaniniwalaan pa nila ito – laban sa Liberal Party o Dilawan, nagkaroon ng karagdang pagkiling ang masa sa salaysay na ang Dilawan ang masasama at hindi ang mga Marcos.

Ang magpapatunay sa muling pagkinang ng bituing pampulitika ng mga Marcos ay ang pagkapanalo ni Imee Marcos bilang senador noong 2019 na sinabayan ng pagkatalo ni Bam Aquino, ang tagapamahala ng kampanya ni Robredo at ang masugid na tagasunod sa imahe ni Ninoy.

May sumunod na kapalpakan ang nangyari sa kampanya ng kampo ni Robredo. Dahil siguro naging masama ang imahe ng Partido Liberal/Dilawan, minabuti ng kampo ni Robredo na tumakbo siya sa pagka-Presidente bilang independiyente kahit na siya ang kasalukuyang tagapangulo (chairman) ng Partido Liberal/Dilawan. Pinalitan din ang kulay na dilaw ng Partido Liberal ng kulay rosas.

Hindi lang naging katawa-tawa ang nangyari, kundi kaduda-duda din. Bakit magbabago ang pananaw ng masang Pilipino kay Robredo dulot lamang ng pagpalit nito ng temang kulay, samantalang ang kakanyahan (essence) ng pamumulitika nito, pati na ang mga nakapaligid sa kanya, ay walang pinagbago? Di ba nakakapanloko ang ginawa? Hindi ba katulad lang sa ginagawa ng isang kriminal na sa paghahangad umiwas mapananagutan ang mga nagawang krimen ay ginagawang magpalit ng pangalan, mag-ahit ng balbas, at magpagupit? Ngunit, hindi nakalusot ang ganitong panglilinlang. Kaya, lalong lumakas ang pangamba at pagdududa ng masang Pilipino kay Robredo at ang nabuong pinklawan.

At tuloy, lalong lumawak ang paniniwala ng masa na ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos ay biktima ng paninira ng walang-silbing mga dilawan. Sa mata ng masa, ang yumaong Pangulong Marcos ay biktima ng walang katuturan na paninira ng mga dilawan. Ganyan din ang naging pananaw nila sa mga paninirang walang humpay na patuloy na ginagawa kay BBM.

Sa puntong ito, nasaksihan natin ang pagpalo sa 60%, humigit o kumulang, ang nakukuha na puntos ni BBM sa mga pananaliksik sa pulso ng mga mamboboto; at si Robredo naman ay napako na lang sa 15%, humigit o kumulang.

Masasabing ang paninira (negative campaign) na ginagawa ng kampo ni Robredo o pinklawan ay nagkaroon ng hindi inaasahang pagbuwelta. Ito’y hindi nakakapagtaka dahil ang hanay na kinabibilang ni Robredo, ang Partido Liberal/Dilawan na ngayon ay Pinklawan, na lubos na kinasusuklaman ng masang Pilipino, ay ang hanay ng mga elista. Kaya lahat ng pambabatikos ng kampo ni Robredo laban sa yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos at kay BBM ay pinagdududahan o di pinaniniwalaan ng masang Pilipino.

Kitang-kita na ang nangyari ay ang madalas na sanhi ng kapalpakan na “maling mensahe na bitbit pa ng maling tagapagsalita”. Kaya hindi nakakapagtataka na bumuwelta ang ginawang negatibong pangangapanya (negative campaigning).

Maliban sa paninira, si Robredo ay hindi gaano nakapaghayag ng programa niya para sa masa. Maaaring hindi siya pinaniniwalaan o hindi maayos ang pagkalatag ng gayong programa. Maaaring hindi iningatan ang paghalo at sukat (mixture and proportion) ng mga elemento ng mensah ng kampanya (campaign messaging). Kung ihahambing sa 3-in-1 na kape, naging masyadong mapait ang gayong paghalo at sukat kaya di nalalasahan ang tamis ng inumin.

Nagkaloko-loko na ang kampanya ng kampo Robredo. Kaya, napagpasyahan seguro na panahon na upang gamitin ang “super power”. Wika nga sa ingles, “desperate situations call for desperate solutions.”

Ito na ang mga nakikita kong inilatag na mga desperadong hakbang para hindi tuluyang tumaob sa kasalukuyan ang bangkang sinasakyan ng kampo ni Robredo:

• Kunin ang suporta ni Joma Sison at ang grupo nito na CPP/NPA/NDF;

• Gamitin ang grupo na ito na bahagi ng mga hakot at manghahakot ng mga bayarang dumadalo sa mga pagtitipon-tipong pampulitika (rallies) tungo sa isang “mind conditioning”;

• Gumawa ng ibang panukat sa lakas ng pangangampanya at ipakita ang huwad at mapanlinlang na impresyon (bahagi ng “mind conditioning”) na nangunguna si Robredo kahit na hindi;

• Kunin ang pag-endorso ni Pangulong Duterte sa kabila ng matinding pambabatikos ni Robredo kay Duterte;

• Gamitin ang lahat ng pamamaraan sa pandaraya, tulad ng, dagdag-bawas, PCOS hacking/manipulation, pamimili ng boto, atpb.

• Gumawa ng people power kung matalo at agawin ang kapangyarihan ng gobyerno tulad ng naganap noong 1986.

Desperado na nga ang kampanya ni Robredo dahil nagkagulo-gulo sa mga nagawang pagkakamali sa pagplano at pagpapatupad ng plano sa pangangampanya. Hindi na ito makakabangon.