Valeriano2

Mapanirang Al videos vs PBBM di dapat palampasin, papanagutin ang mga nasa likod nito – Valeriano

Mar Rodriguez Jul 30, 2024
103 Views

𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗸𝗮𝘆 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼, h𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗱𝗮𝗽𝗮𝘁 𝗽𝗮𝗹𝗮𝗺𝗽𝗮𝘀𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗴𝗶𝗻𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗹𝗮𝗽𝗮𝘀𝘁𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 𝗸𝗮𝘆 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗙𝗲𝗿𝗱𝗶𝗻𝗮𝗻𝗱 “𝗕𝗼𝗻𝗴𝗯𝗼𝗻𝗴” 𝗥. 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗼𝘀, 𝗝𝗿. 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗴𝗶𝘁𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗶𝗻𝗶𝗹𝗮𝗹𝗮𝗯𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝗺𝗮𝗽𝗮𝗻𝗶𝗿𝗮𝗻𝗴 𝗔𝗿𝘁𝗶𝗳𝗶𝗰𝗶𝗮𝗹 𝗜𝗻𝘁𝗲𝗹𝗹𝗶𝗴𝗲𝗻𝗰𝗲 (𝗔𝗜) 𝘃𝗶𝗱𝗲𝗼𝘀.

Binigyang diin ni Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi dapat ipagkibit balikat na lamang ang tila namimihasa at paulit-ulit na paninirang puri na ginagawa ng ilang grupo laban sa Pangulo.

Paliwanag ni Valeriano, kung hindi kikilos ang gobyerno laban sa mga taong ito na nagpapatuloy sa kanilang walang habas na gawain, maaaring mas matitindi pang mga paninira at panglilibak ang kanilang gagagwin upang dungisan ang pagkatao ng Pangulong Marcos, Jr.

Dapat aniyang kumilos ang gobyerno para masampahan ng kasong “cyber-libel” ang mga nasa likod ng pinaka-huling AI video ni PBBM na naglalarawan o nagpapakita ang isang kamukha ng Pangulo habang gumagamit ng illegal na droga.

Ayon sa kongresista, halatang-halata na nais wasakin ng grupong ito ang image ng Pangulong Marcos, Jr. sapagkat itinaon pa mismo ang pagpapalabas ng nasabing video sa bisperas ng kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang July 22.

Hindi na kailangan pang maging manghuhula aniya para malaman kung sino ang nasa likod ng naturang mapanirang AI video sapagkat ipinalabas ang video sa Maisug rally.

Dagdag pa ng mambabatas, kailangang kumilos agad ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) para makasuhan ang mga taong nagpakalat ng AI video.