Lacson

Mga sagot ni Ping sa debate pumatok, ginaya ng ibang presidentiable

304 Views

MATATAG na nanindigan si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang programa na ibangon ang micro-, small- and medium-enterprises (MSME) na pinaluhod ng pandemya sa idinaos na unang serye ng “Pilipinas Debates 2022: The Turning Point.”

Ang naturang debate ay inorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Sabado sa Sofitel Hotel sa Pasay City at dinaluhan ng siyam na kandidato sa pagkapangulo. Unang tinanong ang mga lumahok kung anong sektor ang uunahin nilang tulungan para makabawi ang ekonomiya ng Pilipinas.

Malumanay at kalmadong inilahad ni Lacson ang kanyang solusyon sa nabanggit na problema. Ipinaliwanag niya na nasa 99.5 porsyento ng Pinoy enterprises ang napapabilang sa MSME at nasa 400,000 mga manggagawa sa sektor na ito ang nawalan ng trabaho nang mapilitang magsara ang mga negosyo bunga ng pananalasa ng COVID-19.

“Ang kailangan unahin magkaroon ng fiscal—comprehensive, ano—fiscal stimulus, ‘yung targeted at saka comprehensive na fiscal stimulus para sa ating mga MSME. Tulungan natin silang ibangon kasi napakalaki ng tama sa ating ekonomiya nanggaling sa sektor ng MSMEs,” seryosong tugon ni Lacson.

Matapos ang naturang sagot ay mistula naman siyang ginaya ng iba pang mga dumalo sa debate na sina Vice President Leni Robredo at kapwa senador na si Manny Pacquiao, habang ang iba namang kandidato tulad ni Manila Mayor Isko Moreno ay nagsabing uunahin ang sektor ng agrikultura.

Tugon naman ni Lacson sa bagay na ito, bagama’t hindi rin dapat na kalimutan ang sektor ng agrikultura, nasa 10 porsyento lamang ang kontribusyon nito sa gross domestic product (GDP) ng bansa at nasa 22 porsyento lamang ng buong labor force ng bansa ang nasasakop nito, kaya dapat na mas unahin ang MSMEs.

Paliwanag pa ni Lacson, sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA), ang gobyerno ay naglaan ng P2-bilyon na pondo sa pamamagitan ng mga small banking corporation sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Trade Industry (DTI) bilang bahagi ng muling pagpapasigla sa sektor ng MSME.