COA nanindigan na di maaring ilabas audit report

Mar Rodriguez Aug 15, 2024
74 Views

𝗡𝗔𝗡𝗜𝗡𝗜𝗡𝗗𝗜𝗚𝗔𝗡 𝗮𝗻𝗴 𝗖𝗼𝗺𝗺𝗶𝘀𝘀𝗶𝗼𝗻 𝗼𝗻 𝗔𝘂𝗱𝗶𝘁 (𝗖𝗢𝗔) 𝗻𝗮 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗻𝗶𝗹𝗮 𝗺𝗮𝗮𝗮𝗿𝗶𝗻𝗴 𝗶𝗹𝗮𝗯𝗮𝘀 𝗮𝗻𝗴 𝗶𝘀𝗶𝗻𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 “𝗮𝘂𝗱𝗶𝘁 𝗿𝗲𝗽𝗼𝗿𝘁” 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗖𝗼𝗻𝗳𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁𝗶𝗮𝗹 𝗙𝘂𝗻𝗱𝘀 𝗻𝗴 𝗢𝗳𝗳𝗶𝗰𝗲 𝗼𝗳 𝘁𝗵𝗲 𝗩𝗶𝗰𝗲 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 (𝗢𝗩𝗣) 𝗸𝗮𝘀𝗮𝗺𝗮 𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗗𝗲𝗽𝗮𝗿𝘁𝗺𝗲𝗻𝘁 𝗼𝗳 𝗘𝗱𝘂𝗰𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 (𝗗𝗲𝗽𝗘𝗱) 𝗻𝗮 𝗱𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗶𝗻𝗮𝗺𝘂𝗺𝘂𝗻𝘂𝗮𝗻 𝗻𝗶 𝗩𝗶𝗰𝗲-𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗦𝗮𝗿𝗮 𝗗𝘂𝘁𝗲𝗿𝘁𝗲 𝗯𝗶𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗹𝗶𝗵𝗶𝗺 𝗱𝗮𝗵𝗶𝗹 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝗶𝗴𝗶𝗻𝗴 “𝗰𝗼𝗻𝗳𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁𝗶𝗮𝗹” nito.

Ipinaliwanag ni COA Chairman Gamaliel Cordoba na suportado ng umiiral na batas ang kanilang paninindigan at posisyon na hindi talaga nila pupuwedeng isa-publiko ang mga nilalalman o findings sa kanilang audit report.

Ganito rin ang ipinahayag ni Cordoba sa mga kongresista sa pagdinig o isinagawang budget briefing ng House Committee on Appropriations patungkol sa 2025 proposed national budget ng COA. Inusisa ng mga mambabatas ang nasabing COA Chairman sa issue ng kanilang COA report.

Pagdidiin pa ni Cordoba na maaari umano silang akasuhan sakaling suwayin nila ang itinatakda ng batas patungkol sa “confidentiality” ng isang COA report batay sa isinagawa nilang pagsisiyasat.

“Because of the nature of the funds which is confidential. Hindi po namin maaaring ma-disclose dahil ito po ay confidential. Iyan po ay nasa batas kaya po mahirap para sa amin ang magbigay ng anomang impormasyon tungkol po dito,” wika ni Cordoba.

Dumalo ang pamunuan ng COA sa budget briefing ng Appropriations Committee para idepensa ang hinihingi nilang P13.417 bilyong panukalang budget para sa susunod na taon.

Sinabi naman ni ACT-Teachers Party List Cong. France Castro na gusto nilang malaman partikular na ang taumbayan kung saan napunta ang pondo ng Bise-Presidente kasama na ang DepEd.