Calendar
Paghahanap ng quad committee ng katotohanan sa war on drugs ni DU30 di pamumulitika
HINDI umano maituturing na pamumulitika ang pagnanais ng quad committee ng Kamara de Representantes na malaman ang katotohanan at makamit ang hustisya para sa mga biktima ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Binigyang diin nina Rep. Robert Ace Barbers (Surigao del Norte, 2nd District), Rep. Dan Fernandez (Santa Rosa City), Rep. Bienvenido “Benny” Abante (Manila City, 6th District) at Rep. Romeo Acop (Antipolo City, 2nd District) na ang layunin ng imbestigasyon ay magkaroon ng totoong kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at hindi pamumulitika.
Ginawa ng mga mambabatas ang pahayag bilang tugon sa patutsada ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ilang mambabatas na dating sumuporta sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte ang bumabatikos dito ngayon para sa pansariling politikal na pakinabang.
Si Dela Rosa, kilalang kaalyado ni Duterte at dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na siyang nagbalangkas ng kontrobersyal na “Oplan Tokhang” na kumitil ng libu-libong buhay na karamihan ay mula sa mahihirap na pamilya, ay nag-akusa na mayroong mga pulitiko na mabilis na nagpapalit ng katapatan depende sa kung sino ang nasa kapangyarihan. Tinawag niya silang “walang prinsipyo” at “mapagsamantala.”
Sa nagkakaisang pahayag, binigyang diin ng mga pinuno ng quad committee ang pagpapatuloy ng pagdinig laban sa iligal na kalakalan ng droga at kriminalidad na iniuugnay sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO), gayundin ang koneksyon nito sa mga kilalang personalidad mula sa nakaraang administrasyon.
Iginiit ni Barbers, chairman ng Committee on dangerous drugs at itinalagang pinuno ng quad committee, na nananatiling matatag ang kaniyang paninindigan kontra sa iligal na droga.
Ayon sa mambabatas mula sa Mindanao, bagama’t siya ang unang pumuri sa malaking tagumpay ng nakaraang kampanya, nanguna rin siya sa pagkondena sa mga diumano’y iregularidad nito gaya ng paglutang ng mga “Ninja cops,” ang mga pagpatay sa mga maliliit na pusher at user ng iligal na droga sa halip na hulihin at litisin ang mga ito, ang mahigit isang toneladang shabu na itinago ng mga pulis sa Tondo, Manila, at ang 500 kilo ng shabu na itinago sa Pampanga at iba pa.
“My position in the anti-drug campaign, in the past and in the present, is steadfast and consistent. I openly praise those anti-drug law enforcers who do their job well and assail those who commit abuses and wrongdoing in its implementation,” ayon pa kay Barbers.
“As lawmaker and anti-drug panel chair, I cannot just sit idly and do nothing when new witnesses and evidences crop up on alleged abuses, wrongdoings or injustice in the past and at present anti-drug campaign. I should be among the first to investigate them and ferret out the truth,” dagdag pa niya.
Tungkol naman sa mga akusasyong ibinato laban sa kanya at kanyang mga kasamahan, sinabi ni Barbers na ang mga walang prinsipyo at mapagsamantala ay ang mga nagpapadala sa pagsunod sa mga iligal na utos, bulag ang mga mata sa mga pang-aabuso, kamalian at kawalang-katarungan na ginagawa ng kanilang mga kasamahan at nakatataas, para lamang mapanatili ang kanilang kapangyarihan at posisyon.
“As public servants, our job is to abide with the Constitution and the rule of law. I never practice blind loyalty to anybody who dish out illegal orders in order to acquire personal gains, and maintain power and influence,” ayon pa sa pinuno ng quad committee.
Sa paglutang ng mga bagong testigo, tulad ng convicted at dating intelligence officer ng Bureau of Customs (BOC) na si Jimmy Guban na nag-ugnay kay Michael Yang, ang economic adviser ni dating Pangulong Duterte, pati na ang anak nitong si Davao City Rep. Paolo Duterte at manugang na si Mans Carpio sa pagpuslit ng imported na iligal na droga, sinabi ni Barbers na tungkulin niyang imbestigahan ito at alamin ang katotohanan.
Ipinunto pa ni Barbers, dumadalas ang paglutang ng pangalan ni Michael Yang sa sunud-sunod na imbestigasyon ng Kamara tungkol sa POGO, iligal na droga at money laundering, maging sa pagtatayo ng mga kompanya na pagmamay-ari ng mga Chinese na pinaghihinalaang kasangkot sa iba’t ibang kriminal na gawain.
“Let me emphasize na walang politika dito. Trabaho lang ito. Kung sino man na masangkot na katrabaho, kaibigan at kamag-anak sa illegal na droga, lalo na kung malakihan, dapat lang natin imbestigahan at alamin ang katotohanan,” ayon pa kay Barbers.
Ang quad committee ang pangunahing nagsisiyasat sa kumplikado at mga krimen na konektado sa POGO at sa mga extrajudicial killing (EJK) na may kaugnayan sa marahas na anti-drug campaign ng administrasyon ni Duterte.
Sa imbestigasyon, lumutang ang koneksyon ng mga indibidwal na malapit sa dating Pangulong Duterte, kabilang ang kanyang anak na si Rep. Duterte, ang kanyang manugang na si Manases “Mans” Carpio — ang asawa ni Vice President Sara Duterte — at ang kanyang dating economic adviser na si Yang.
Naipakita rin ng mga komite ng Kamara ang pagkakasangkot ni Yang sa P3.6-bilyong shabu na narekober sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga, noong nakaraang taon.
Tiniyak naman ni Fernandez, chair ng Committee on public order and safety, ang layunin ng quad committee na nakatuon sa pagtiyak na ang lahat ng kanilang mga aksyon at desisyon ay malinaw at maayos na maipapaliwanag, at responsable sa kanilang mga ginagawa.
“We owe it to the Filipino people to pursue these investigations wherever they may lead. This is not about shifting allegiances; it’s about ensuring that justice is served,” ayon kay Fernandez.
Dagdag pa niya, “We will not be deterred by accusations or attempts to distract us from our mission. The truth must come out, no matter how deep we have to dig.”
Binigyang diin naman ni Abante, pinuno Committee on human rights, ang kahalagahan ng pagkilala sa rule of law.
“No one is above the law, including those who were once in positions of power. Our duty is to the truth and to the people, and we will not be swayed by political convenience,” giit ni Abante.
“The law applies to everyone, and it is our responsibility to ensure that justice is delivered fairly and without bias,” dagdag pa ng mambabatas.
Nauna na ring tinuligsa ng mga personalidad na may kaugnayan sa nakaraang administrasyon ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng quad committee.
Sa kabila nito, sinabi ni Acop na naninindigan ang mga pinuno ng komite, at binigyang diin ang katapatan ng sambayanang Pilipino na makakuha ng hustisya sa kanilang hindi makatarungang sinapit.
“We are not here to protect or condemn any administration. We are here to ensure that the laws of this country are upheld, and that those who violate them are held accountable,” ayon kay Acop.
“There is no politics in the quad committee’s work; our focus is solely on truth and justice. We stand firm in our duty, and nothing will deter us from fulfilling it,” dagdag pa ng mambabatas.
Binigyang pagkilala rin ng mga pinuno ng quad committee ang mas epektibong paraan ng kasalukuyang administrasyon sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot ng hindi gumagamit ng karahasan.
“Under President Marcos, more individuals involved in the illegal drug trade have been apprehended, without the loss of lives that marked the previous approach. It’s a more effective and humane strategy,” giit ni Barbers.
Iginiit rin ng mga lider ng quad committee na mahaba pa ang laban kontra sa ipinagbabawal na gamot at kanila itong ipagpapatuloy.