Calendar
Castro kay VP Sara: Paghahanap ng Kamara ng katotohanan hindi political harassment
ANG paghahanap ng katotohanan upang mapanagot ang mga may sala ay hindi political harassment.
Ito ang sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kaugnay ng sinabi ni Vice President Sara Duterte na political harassment ang pagdawit sa kanyang mister na si Mans Carpio at kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa importasyon ng shabu.
“What we see now is more of a search for accountability of the Filipino people against the Duterte family who spread terror and violence during their reign,” giit ni Castro.
“Noong panahon ni dating Pang. Duterte sa posisyon lahat ng pumuna o nagsalita laban sa kanyang polisiya ay hinarass, sinampahan ng gawa-gawang kaso at kinulong, madami rin ang pinatay.
Ngayon na naghahanap ng katarungan ang mamamayan laban sa mga pang-aabusong ‘yun ay sasabihing ‘political harassment’ para lang pagtakpan ang kanilang mga kasalanan,” dagdag pa nito.
Hinamon ng House Deputy Minority Leader ang pamilya Duterte na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila sa halip na magdahilan na ito ay political harassment lamang.
“Harapin na lang nila ang mga isyu na pinupukol sa kanila at lumaban ng patas hindi tulad ng mga ginawa nila sa mga biktima ng kanilang rehimen. Kami na sinampahan ng gawa-gawang kaso ay hinarap ito pero ang mga Duterte ay ni hindi man lang humarap o nagpaliwanag ng maayos sa kahit anong kaso o isyu na inilatag sa kanila,” wika pa ni Castro.
Nanawagan din si Castro sa publiko na patuloy na maging mapagmatyag at manawagan ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno anuman ang kanilang political affiliations o posisyon.
Sinabi pa ng mambabatas na ang totoong hustisya at pag-unlad ay maaabot lamang kung napapanagot ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga ginawa.
“The Filipino people deserve nothing less than full transparency and accountability from their leaders. We must not allow baseless claims of ‘political harassment’ to derail our pursuit of truth and justice,” saad pa ni Castro.