Guo

Mga solon: Imbestigahan kung papaano nakaalis ng bansa si Alice Guo

91 Views

PINAIIMBERSTIGAHAN ng mga lider ng Kamara de Representantes kung papaano nakaalis ng Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dapat umanong mapanagot ang mga tumulong sa kanya.

Sa isang news conference, iminungkahi rin ng mga mambabatas na isama ang naging pagtakas ni Guo sa imbestigasyon ng quad committee ng Kamara kaugnay ng iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGO).

“Heads must roll. We need to know how did she escape…it’s really disappointing that she was able to escape. So yes, heads must roll. Where did she escape? NAIA? A private airport? Nagbangka ba siya? All of those things. We have find out exactly how did she escape our country and heads must roll,” ani Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, chairman ng Committee on Muslim affairs.

Sinabi naman ni Bases conversion committee chairman at Zambales Rep. Jefferson Khonghun na maraming tanong ang dapat na masagot.

“Well, nakakalungkot at nakaalis na nga…si Alice Guo at nasa Malaysia na, nasa Singapore na at talagang nakakalungkot at talagang dapat maimbestigahan,” ani Khonghun.

Naniniwala si Khonghun na hindi makakaalis ng bansa si Guo ng walang kinokontsabang opisyal ng gobyerno kasama na ang Bureau of Immigration.

“Siyempre hindi naman talaga makakaalis yan kung walang nilangisan yan na mga opisyales ng ating pamahalaan, lalong lalo na są Bureau of Immigration. Hindi rin kami, hindi rin ako naniniwala na walang alam ang Bureau of Immigration dahil siyempre sila yung ahensiya ng gobyerno nagbabantay sa ating mga ports and airports,” sabi nito.

“So sana ano, dapat ito’y maimbestigahan at managot kung sino yung mga taong may kasalanan dahil hindi tayo naniniwala na kayang gawin lang ni Alice Guo yan na walang tulong, lalung-lalo na sa mga tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration,” dagdag pa ng mambabatas.

Iminungkahi rin ni Khonghun na dapat kasama sa imbestigahan ang mga abugado ni Guo.

“At siyempre kailangan din natin panagutin ang mga abogado na nagtakip sa kanya, nagtakip ng kanyang pag-alis, lalung-lalo na yung nag-notarize ng kanyang affidavit sa DOJ. Bakit nangyari yon?” sabi nito.

“So maraming tao, di lang iisa, di lang sa Bureau of Immigration…pati sa mga abogado niya na nagtakip ng kanyang pag-alis, kailangan din maimbistigan, kailangan din may ipatawag at kailangan sagutin nila kung ano yung kanilang mga contribution lalung-lalo sa pagkatakas ni Alice Guo,” dagdag pa ng mambabatas.

Iminungkahi naman ni Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na isama ang naging pagtakas ni Guo sa imbestigasyon ng quad committee.

“Probably not as a separate investigation but definitely something that the QuadComm needs to also study and to also investigate. Kasi makikita na hindi naman to mangyayari nang walang kooperasyon ng iilan sa gobyerno o mayroong pumalya sa gobyerno,” sabi ni Acidre.

Naniniwala si Acidre na ang pagtakas ni Guo ay isang pag-amin na ito ay mayroong kasalanan.

“Ibig sabihin kung ano man ang mga haka-haka o mga alegasyon tungkol kay Alice Guo ay pwede na nating masabing may katotohanan, eh kung hindi, hindi naman talaga siya aalis hindi ba?” wika pa ni Acidre.

Hindi rin inaalis ni Acidre ang posibilidad na naitalaga noong Duterte administration ang naging kasabwat ng dating alkalde para ito makatakas.

“So, kailangan nating alamin, kailangan nating mas lalo pa nating alamin kung sino ang mananagot, hindi lang na nakaalis si Alice Guo, kung sinong mananagot bakit mukhang binolunteer talaga natin ang Pilipinas nung nakarang administration, binolunteer ang Pilipinas na maging pugad ng krimen,” giit pa nito.

Para naman sa kanyang panig, sinabi ni Assistant Majority Leader at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing na dapat malaman kung nasaan na si Guo at kung papaano ito mapababalik sa bansa upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Nasaan na siya ngayon? Kasi July pa iyong huling report, yung una parang Indonesia muna siya tapos lumipat sa Malaysia tapos nakipagkita siya sa pamilya niya sa Singapore. Pero pagkatapos nung Singapore na meet-up point nila ng pamilya niya, wala na makapagsabi nasaan na siya. So siguro yun din yung mahalaga na tanungin natin, nasaan na si Alice Guo ngayon?” wika ng lady solon.

“Baka kailangan na rin po natin hingiin ngayon iyong tulong ng ibang mga bansa patungkol po sa Interpol, baka kailangan na mag-issue ng alert order para lang malaman, tignan… nasaan na siya ngayon? Iyan po siguro iyong mahalagang tanong bukod sa paano siya nakalabas, nasaan na siya ngayon at paano po natin siya maibabalik dito sa ating bansa,” dagdag pa ni Suansing.