Madrona2

Pagsusulong ng BPSF Bill sinuportahan

Mar Rodriguez Aug 21, 2024
62 Views

𝗞𝗜𝗡𝗔𝗞𝗔𝗧𝗜𝗚𝗔𝗡 𝗻𝗶 𝗥𝗼𝗺𝗯𝗹𝗼𝗻 𝗟𝗼𝗻𝗲 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗘𝗹𝗲𝗮𝗻𝗱𝗿𝗼 𝗝𝗲𝘀𝘂𝘀 “𝗕𝘂𝗱𝗼𝘆” 𝗙. 𝗠𝗮𝗱𝗿𝗼𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝘀𝘂𝘀𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗴 𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝘂𝗸𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗮𝘁𝗮𝘀 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝗺𝗮𝗴𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆-𝘁𝘂𝗹𝗼𝘆 𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗲𝗿𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗶𝗽𝗮𝗴𝗸𝗮𝗸𝗮𝗹𝗼𝗼𝗯 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝗴𝗼𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘀 𝗦𝗲𝗿𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼 𝗙𝗮𝗶𝗿 (𝗕𝗣𝗦𝗙) 𝗽𝗿𝗼𝗴𝗿𝗮𝗺 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗺𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝘆𝗮𝗻.

Ayon kay Madrona, chairperson ng House Committee on Tourism, sinasang-ayunan nito ang pagkakaroon ng panukalang batas upang magtuloy-tuloy ang magandang layunin ng BPSF sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Serbisyo at Tulong Center sa iba’t-ibang lalawigan.

Sabi ni Madrona na maganda ang naging simula ng BPSF kaya maaaring masayang lamang ang magandang layunin nito kung hindi naman ito magtutuloy-tuloy. Aniya, libo-libong mamamayan ang napagkalooban ng tulong at ayuda sa pamamagitan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa.

Magugunitang hinihimok ni House Deputy Secretary-General Sofonias “Ponyong” Gabonada, Jr. si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na magpasa ng isang panukala upang makapagpatayo ng Bagong Pilipinas Tulong Centers sa mga lalawigan at lungsod sa bansa.

Dahil dito, positibo si Madrona na kapag tuluyang naisabatas ang Bagong Pilipinas Bill, mas marami pang mamamayang Pilipino ang mase-serbisyuhan at mapagkakalooban ng tulong lalo na ang mga mahihirap na pamilya at mga walang trabaho.

Bilang chairman ng Committee on Tourism, sinabi din ni Madrona na binigyang diin ng Department of Tourism (DOT) ang kahalagahan ng pamumuhunan sa industriya ng turismo matapos itong magtala ng malaking kontribusyon sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.

Sa budget briefing ng DOT sa Kamara de Representantes para sa 2025 proposed national budget ng ahensiya na nagkakahalaga ng P3.394 billion, sinabi ni Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco na pumalo sa P3.36 trillion ang combined tourism receipts na katumbas ng 456% na return in investments.

Sa katunayan aniya ay umangat sa 116% ang recovery o pagbangon ng bansa sa visitor receipts na mas mahalagang “barometer” kumpara sa tourist arrivals.